Pinaalalahanan kahapon ng Bureau of Customs (BoC) ang publiko na huwag pabibiktima sa scam na humihingi ng bayad upang makuha ang mga regalo o premyo gamit ang isang pekeng BoC email address at social media account.
Hinihingan ng mga scammer, gamit ang pekeng email at social media account ng kawanihan, ang kanilang mga bibiktimahin ng “necessary tax or permit” para ma-release ang package, regalo man o pera na kanilang napanalunan, ayon sa BoC.
Kapag nakaranas ng ganitong modus, sinabi ng BoC na huwag magpapaloko.
Ipinagdiinan din ng tanggapan na hindi sila gumagamit ng kahit anong email address o social media account sa pangongolekta ng bayad para sa pagre-release ng package.
Hindi rin umano trabaho ng BoC na mangolekta ng bayad para sa pag-angkat ng permit. “It’s the job of the regulatory agencies,” ayon sa BoC.
Hinikayat din ng BoC ang publiko na mag-report sa kanila laban sa mga kahina-hinalang transaksiyon.
(Betheena Kae Unite)