SURIIN natin ang lohika at paghanay-hanay ng mga relasyon ng Pilipinas sa mga bansa na may kinalaman sa kontrobersiya sa West Philippine Sea (South China Sea). Matagal nang magkaibigan at magkaalyado ang US at ang ‘Pinas. Matagal na ring karelasyon ng ating bansa ang Japan, isa sa nagkakaloob ng malaking tulong at suporta. Ayon nga kay Japanese Foreign Press Secretary Yasuhisa Kawamura, may $20 billion ang naipagkaloob ng Japan sa nakalipas na 50 taon. Ito ang biggest source ng ODA para sa Pilipinas.
Ang dambuhalang China ay libu-libong taon nating kalapit-bansa. Sa katunayan, maging ang kanilang kultura, sining, pagkain at daloy ng dugo ay nananalaytay sa mga Pilipino. Gayunman, higit na malapit ang ugnayan ng Pilipinas at ng US. Humigit-kumulang na 4 milyong Pilipino (Fil-Am at TNT) ang naninirahan ngayon sa bansa ni Uncle Sam. Hindi natin alam kung ilan ang populasyon ng mga Pinoy sa Russia at China na waring kinahuhumalingan ni President Rodrigo Roa Duterte.
Sa ngayon ang PH ay unti-unting umaayaw sa US sapul nang mahalal si Mano Digong. Nagalit siya kay US Pres. Barack Obama nang ipahiwatig ng First black president na tatanungin niya si PDu30 tungkol sa umano’y extrajudicial killings at human rights violations ng kanyang drug war. Minura ni Duterte si Obama at pinagsabihan pa ang pangulo ng US na ang dapat asikasuhin ay ang mga pagpatay sa black Americans ng US police kahit ang mga ito ay nakadapa na sa lupa.
Nagbanta rin si Mano Digong na hihiwalay na ang ‘Pinas sa US sapagkat wala namang napapala ang ating bansa mula rito kundi mga second-hand military equipment, eroplano, navy vessels at iba pa. Ito ay personal niyang kagustuhan. Gayunman, batay sa huling Pulse Asia survey results, nananatiling mataas ang grado ng pagtitiwala ng mga Pinoy sa United States at napakababa naman sa China at Russia.
May 76% ng mga Pilipino ang nagsaad na pinaniniwalaan nila ang US. Pangalawa sa pinagtitiwalaan nila ay ang Japan.
Ang China ay may 61% distrust o walang tiwala at Russia may 58% distrust. Sa foreign organizations, ang United Nations ay nagtamo ng 74% trust rating samantalang ang European Union ay nagkamit na 50% trust rating.
Mahigpit ang ugnayan ng US at ng Japan. Kagalit ng Japan ang China. Mabait si Pres. Rudy sa Japan. Papaano niya ngayon titimbangin ang ugnayan ng PH sa China at Japan? Dumating si Prime Minister Shinzo Abe sa ‘Pinas at nagkasundo sila ng ating Pangulo na susundin ang rule of law sa WPS o SCS. Nanalo ang ‘Pinas sa arbitral tribunal laban sa China pero hindi nito kinilala ang ruling o desisyon.
Patuloy sa pag-okupa ang kinakaibigang China ni PDu30 sa mga reef natin sa WPS. Naroroon pa rin ang kanilang mga barko. May mga report na mini-militarize pa nila ang okupadong reefs, pero hindi kumikibo ang Pangulo. Susundin kaya ni Duterte ang panawagan ni Abe na pairalin ang rule of law sa karagatan o ipilit niya ang pakikipag-usap (bilateral talks) sa China? Sa pagbisita ni Abe, nangako ang Japan na magkakaloob ng 1 trillion yen (P434 bilyon) tulong sa PH.
Suportado rin niya ang drug war ni Mano Digong at tutulong sa pagpapatayo ng rehabilitation centers.
Payag naman pala ang Supreme Court na ipatupad ng gobyerno ang Reproductive Health Law (RHL). Ito ang sinabi ni SC Spokesman Theodore Te kasunod ng mga report na nag-isyu ang SC ng TRO na pumipigil sa implementasyon nito.”Matagal ko nang niliwanag ang tungkol sa SC TRO,” sabi ni Te.
Ayon sa kanya, ang SC decision noong Agosto 24, 2016 ay hinggil lang sa pagbili ng Department of Health (DoH) at pamamahagi nito ng contraceptive products na Implanon at Implanon NXT sa publiko, hindi mismo ang RH Law. Ang ayaw ng SC ay ang pagnanais ng DoH na ituloy ang pagbili at pamamahagi ng naturang contraceptive implants.
Kung ganoon, tuloy ang “panggigigil” ng mag-asawa basta hindi lang gagamit ng Implanon at Implanon NXT. Ibig bang sabihin nito, puwedeng gumamit si lalaki ng condom?