HONOLULU —Huling putt para sa isa pang record. Tunay na hindi malilimot ni Justin Thomas ang naging karanasan sa Sony Open.

Sinimulan ni Thomas ang kampanya sa record 59 matapos maisalpak ang 15-foot eagle putt sa final hole at sa pagtatapos ng torneo nitong Linggo (Lunes sa Manila) naisalpak niya ang two-putt birdie mula sa layong 60 talampakan para maitala ang bagong PGA Tour record book para sa ‘lowest 72-hole score’ sa kasaysayan ng sports.

Tinapos ng 23-anyos mula sa Kentucky ang kampanya sa natipang 5-under 65 para sa pitong stroke na panalo. Ang kabuuang 253 iskor ang pinakamababang iskor sa kasaysayan.

Tinanghal si Thomas, nagwagi sa CIMB Classic sa Malaysia kamakailan, bilang ikatlong player mula noong 1970 na nagwagi ng tatlo sa unang limang torneo sa PGA Tour. Kasama niya sina Tiger Woods (tatlong ulit) at Johnny Miller (dalawang ulit).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagkampeon din siya sa SBS Tournament of Champions sa Kapalua may tatlong linggo na ang nakalilipas.

“It’s been an unbelievable week. Unforgettable,” pahayag ni Thomas.

Tangan ni Tommy Armour ang dating record sa 72-hole mark na 254 noong 2003 Texas Open. Naitala rin ni Thomas ang 36-hole record (123) at pinantayan ang marka ni Steve Stricker para sa 54-hole record (188).