TARLAC CITY - Isinusulong ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan na maipasa ang resolusyon na magbabawal sa paliligo sa Bakas River sa bayan ng Norzagaray.
Ito ay makaraang malunod at masawi ang dalawang estudyante ng Bulacan State University, na sinasabing nagbigay ng matinding pangamba sa mga kapwa estudyante ng mga ito.
Sinabi ni Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado na isusulong nila ito sa Sangguniang Panglalawigan upang maiwasang maulit ang insidente.
Aniya, sa tuwing nagpapakawala ng tubig ang Angat Dam ay nagpapatunog ito ng sirena na nagsisilbing babala sa mga lumalangoy o sa mga malapit na ilog upang lumikas patungo sa mas ligtas na lugar.
Binanggit ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na bago ang insidente ay binalaan na ang kabataan na huwag lumangoy sa ilog dahil malakas ang agos ng tubig.
Kaugnay nito, sinabi naman ng isang pulis na ang pagiging hindi pamilya sa lugar marahil ang dahilan sa pagkalunod ng mga biktima, dahil karaniwan nang tumataas ang tubig sa Bakas River lalo na kapag tanghali.
Matatandaang nalunod ang mga estudyante makaraang magtungo sa lugar upang mag-shoot ng kanilang entry sa 2017 Sine Bulacan Film Festival. (Leandro Alborote)