MABIGAT itong binabalak na mangyari ni Pangulong Digong. Aba, eh, magdedeklara raw siya ng martial law kung kinakailangan!

Ito ang napapala ng mamamayan na kuntentong nakatatamasa ng kapayapaan at kaligtasan sa ginagawa ng Pangulo. Ang kabayaran naman nito ay walang patumanggang pagpatay sa mga umano’y gumagamit at tulak ng droga na nanlalaban sa mga pulis na umaaresto sa kanila. Walang araw na nagdaraan na walang namamatay, kung hindi sa kamay ng mga alagad ng batas, sa mga taong hindi kilala dahil nakatakip ang mukha. O kaya, mga bangkay nang nakahambalang sa kalye. Kung sino ang mga pumatay, walang imbestigasyong nagaganap, o kung mayroon man, hindi desididong ipinupursige upang alamin ang may kagagawan ng mga ito.

Baka nga ituloy ng Pangulo ang banta niyang martial law. Kasi naman, nananatiling mataas, o excellent daw, ang kanyang approval rating, ayon sa mga survey, sa kabila ng mga batikos na inaabot niya dahil sa mga extrajudicial killing. Ang mga bansa sa Asya, gaya ng China, Indonesia, Japan at Russia ay sinasang-ayunan ang kanyang ginagawang pakikidigma laban sa droga. Kaya sinasang-ayunan din nila itong mga pagpatay tulad ng pag-apruba rito ng mamamayan, batay na rin sa taya ng mga survey.

Ang matindi lang na tumututol sa paraan niya ng pagsugpo sa droga ay ang Amerika, dahil nga sa paglabag sa due process at karapatang pantao. Eh, ang Amerika ay may sariling problema sa ngayon. May naiulat kasing baka magkarebolusyon doon dahil may malaki ring grupo sa Amerika na ayaw paupuin ang nahalal na presidenteng si Donald Trump.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Baka samantalahin ni Pangulong Digong ang kaguluhang ito. Sa halip na siya ang asikasuhin ng Amerika ay iyong sarili muna niyang problema.

Sa nais gawin ni Pangulong Digong, maiiwan na naman ang mamamayang Pilipino sa kanilang mga sarili para sa anumang hakbang na kanilang gagawin na nararapat para sa kanilang ikabubuti. Itinuturo ng kasaysayan na hindi para sa ikagaganda ng kanilang buhay ang muling mapasailalim sa martial law. Pansamantalang katahimikan lang ang ibibigay nito, tulad ng ibinibigay ngayon ng giyera sa droga ng Pangulo. Walang katahimikang idudulot, lalo na kung pangmatagalan, ang paggamit ng kamay na bakal sa paggogobyerno na siyang pinakangipin ng martial law. Kasi sasagasaan nito ang karapatang pantao at lahat ng karapatan ng mamamayan para mabuhay bilang tao na disente at may dignidad.

Ang mga pagpatay na nangyayari ngayon sa ngalan ng pagsugpo ng droga ay lalala. Daragsa ang mga ito hindi na lang dahil sa droga kundi sa iba pang kadahilanan na ang magsasabi ng iyong kasalanan at nilabag ay ang mga nagpapairal ng martial law.

Mauulit ang kasaysayan ng kaapihan at kalupitan. (Ric Valmonte)