NAGULAT, namangha at nagpahayag ng iba’t ibang reaksiyon ang marami nating kababayan matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari siyang magdeklara ng martial law kung ang kanyang giyera kontra droga ay malalagay sa alanganin o panganib.
Ang iba namang nabubuhay pang biktima ng martial law ng diktaduryang Marcos na nakarinig nito ay kinilabutan at nanindig ang balahibo. Nasabi nila na madilim na kahapon ng Pilipinas ang martial law, at hindi na dapat maulit sapagkat sinupil at sinikil nito ang kalayaan at mga karapatan ng mga Pilipino. Inagaw ang dalawang mahahalagang elemento ng buhay ng mga Pilipino—ang Kalayaan at Demokrasya. Marami ang dinakip at ikinulong ng military, tulad ng mga pari, madre, mga lider-manggagawa at estudyante. Kinuryente at pinadapa sila sa bloke ng yelo. Libong katao ang pinatay, dinukot ng militar na nawala o naglaho at nakabilang sa mga los desaparecidos. Nalibing nang walang kabaong.
Dinakip at ikinulong maging ang mga senador at iba pang kalaban sa pulitika ng diktador.
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa harap ng mga miyembro ng Davao City Chamber of Commerce sa Marco Polo Hotel nitong Enero 15. Ayon sa Pangulo, nanungkulan siya upang ipagtanggol ang bansa laban sa lahat ng mga pagbabanta, kasama na ang giyera kontra droga na may apat na milyong mamamayan ang apektado.
Ayon pa sa Pangulo: “If I wanted to, and it will deteriorate into something really very virulent, I will declare martial law. No one can stop me.” Ito ang sinabi ng Pangulo, tinutukoy ang Korte Suprema at Kongreso. Sa 1987 Constitution, isinasaad na ang Pangulo ng bansa ay hindi maaaring magdeklara ng martial law kung walang pagpapatibay ang Kongreso at hindi nasuri ng Korte Suprema.
Natatandaan at hindi pa nalilimot ng marami nating kababayan, isang buwan pa lamang ang nakalilipas, nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya magdedeklara ng martial law. Hindi kailangan, aniya. Sabi pa niya: “That’s nonsense.
We had martial law before, what happened? Did it improve our lives now? Not at all.”
Simula nang manungkulan noong Hulyo 1, 2016, naglunsad ang Pangulong Duterte ng giyera kontra droga, na isa sa kanyang mga ipinangako noong panahon ng kampanya sa pulitika. Sa nakalipas na anim na buwan, umabot na sa 6,000 katao ang napatay sa anti-drug campaign at police operations. Kabilang din sa mga napatay ang itinumba ng mga vigilante groups. Umabot naman sa isang milyong drug peddler at user ang naaresto at sumuko sa pulisya.
Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa pagdedeklara ng martial law kung malalagay daw sa alanganin o panganib ang kanyang giyera kontra droga.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III, hindi dapat mangamba tungkol sa martial law. Natitiyak daw niya na ang Pangulo ay gagawa ng mga konsultasyon, at mapapaalalahanan tungkol sa isinasaad ng Konstitusyon.
Naitanong naman ni Sen. Risa Honteveros kung bakit ‘tila ibig ng Pangulo ng diktaduryang pamamahala, gayung ang nakararaming mamamayan ay nais ang demokratikong pamamahala. Binanggit pa ni Sen. Hontiveros ang katatapos na survey ng Pulse Asia na 74 porsiyento ng mga tinanong ay nagsabing hindi kailangan ang martial law.
Walang batayan at suportang panlipunan at pampulitika ang martial law.
Ang hinahanap ng mamamayan ay ang mga solusyon sa pagtaas ng mga bilihin, dagdag na suweldo at mga trabaho. Hindi ang diktadurya o martial law, ayon naman kay Sen. Francis Pangilinan.