Parang hayop na kinatay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng matansero na nagalit sa kanya sa Caloocan City, kamakalawa ng madaling araw.
Dahil sa mga saksak sa katawan, dead on arrival sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang hindi pa nakikilalang biktima na tinatayang nasa edad 30-40, 5’3” ang taas, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng asul na t-shirt at cardo short pants.
Kaagad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Romeo Ecal, 29, ng Adante Street, Barangay Taniong, Malabon City at nahaharap sa kasong homicide.
Sa report ni PO3 Noel Bollosa, bandang 1:30 ng madaling araw, sakay si Ecal sa kanyang sasakyan at pumarada sa tapat ng barangay hall sa Barangay 8, Caloocan City.
Pagbaba ni Ecal sa kanyang sasakyan ay sumulpot umano ang biktima at siya’y binato ng malaking bato at muntik nang matamaan.
Nagalit si Ecal at nilapitan ang biktima at kinompronta hanggang sa humantong sa mainitang diskusyon.
Sa galit ni Ecal, binunot na niya ang kanyang kutsilyo na pinangkakatay niya sa baboy saka pinagsasaksak ang biktima.
(Orly L. Barcala)