LUCENA CITY, Quezon – Naglunsad ng serye ng panloloob ang grupo ng mga magnanakaw na tinaguriang Termite Gang sa apat na establisimyento, kabilang ang isang bangko, sa pagitan ng Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw, sa Barangay Ibabang Dupay sa Lucena City, Quezon.
Sinabi ni Senior Supt. Rhoderick Armamento na naniniwala silang Termite Gang ang nagsagawa ng panloloob dahil pawang sa kanal lumusot ang mga ito papasok sa mga bibiktimahing establisimyento.
Pinasok ng grupo ang Rural Bank of Pagbilao, Sony Service Center, Western Union Money Transfer, na nasa iisang gusali sa Maharlika Highway, gayundin ang isa pang sangay ng Western Union ilang metro ang layo sa niloobang gusali sa Dalahican Road sa lungsod.
Hindi pa tinutukoy ng pulisya ang kabuuan ng halagang natangay ng mga suspek.
Ayon sa mga report, dakong 8:00 ng umaga kahapon nang matuklasan ng mga empleyado ng nasabing mga kumpanya ang panloloob matapos makita ang manhole sa entrance gate ng mga establisimyento.
Matatandaang sa kaparehong lugar din nilooban ng hinihinalang Acetylene Gang noong Pebrero 8, 2016, ang Pazalonia Pawnshop at Garcia Pawnshop. (Danny J. Estacio)