DAGUPAN CITY, Pangasinan – Nababahala ang mga residente ng Dagupan City sa makapal na itim na usok na nagmumula sa open dumpsite sa Barangay Bonuan, dahil patuloy pa ring nasusunog ang tambakan simula nang magliyab ito nitong Huwebes.
Ipinaabot ng mga residente ng mga barangay ng Bonuan Gueset, Boquig at Binloc ang kanilang pagkabahala, partikular sa maaaring maging epekto ng nasabing usok sa kani-kanilang kalusugan.
Iniulat ng health authorities sa lalawigan ang pagdami ng nagkakasakit sa baga at maaaring palalain pa ito ng usok na nagmumula sa tambakan.
“Marami nang nagkakaroon ng ubo, sipon, asthma at trangkaso dahil sa paiba-ibang temperature, pero ang usok na galing sa basura ay mas mahirap na pagdadaanan ng mga residente,” sinabi ng isa sa mga residente nang kapanayamin ng Balita.
Patuloy namang inaapula ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagliliyab sa tambakan sa Bgy. Bonuan na nagsimula bandang 1:00 ng umaga nitong Enero 12.
Nagbubuga ng makapal na itim na usok ang nasusunog na basura na labis nang nakaaapekto sa mga residente sa nakalipas na apat na araw.
Rumesponde na rin sa sunog ang mga bombero mula sa mga kalapit na bayan ng Calasiao, Mangaldan, Manaoag at San Fabian.
Napaulat na nagsimulang magliyab ang isang bahagi ng tambakan makaraang magsindi ng kuwitis ang isang hindi nakilalang tao malapit sa lugar. (LIEZLE BASA IÑIGO)