Pinosasan ang isang pulis makaraan umanong magwala, maghamon ng away at manutok ng baril sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong grave threat, alarm and scandal at drunk and disorderly conduct, at kasalukuyang nakadetine sa tanggapan ng General Assignment Investigation Section (GAIS) ng Manila Police District (MPD) si PO3 Dexter Valencia, 43, nakatalaga sa Station 6 (Batasan Police Station) ng Quezon City Police District (QCPD), at residente ng 1260 Labanderos Street, sa Sampaloc.
Inaresto si Valencia matapos ireklamo ni Jesus Simbahan, 42, taxi driver at residente ng 630 Batanes St., Sampaloc.
Sa imbestigasyon ni SPO2 James Poso, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa isang peryahan sa G. Tuazon St., kanto ng Blumentritt Extension, sa Sampaloc.
Nauna rito, dakong 12:00 ng hatinggabi, naglalaro umano si Jesus at ang kanyang dating employer na si Paul William Chua ng color game sa peryahan nang dumating si Valencia at tinuturuan umano si Chua kung saan ito dapat tumaya.
Gayunman, hindi umano ito pinansin ni Chua at nang siya’y manalo ay hinihingan umano siya ng balato ng pulis.
Dito na nagtalo sina Valencia at Chua.
Namagitan naman umano si SPO1 Mario Simbahan, kapatid ni Jesus at kumpadre ni Chua, na naroon rin sa lugar, kaya silang dalawa ni Valencia ang nagtapatan.
Naawat lamang sila nang dumating ang mga nagpapatrulyang pulis at dinala si Valencia sa Calabash Police Community Precinct (PCP) upang pagpahingahin dahil nakainom umano ito habang umuwi na rin si Mario.
Gayunman, pagsapit ng 2:00 ng madaling araw ay bumalik si Valencia sa peryahan na armado ng baril at muli umanong kinumpronta at pinagbantaan si Jesus.
“Ginigirian n’ya po ako sa perya, sir. Binunutan pa n’ya ng baril, hindi ko naman siya inaano. ‘Yung kapatid kong pulis, pinu-provoke n’ya pa,” reklamo pa ni Jesus.
Tumanggi naman si Valencia na magbigay ng pahayag. (MARY ANN SANTIAGO)