IPUPURSIGE ngayong buwan sa Astana, ang kabisera ng Kazakhstan, ang bagong hakbangin upang tuldukan ang anim na taon nang digmaang sibil sa Syria, sa ilalim ng pangangasiwa ng Russia, Iran, Turkey, at ng gobyerno ni Syrian President Bashar al-Assad. Pangungunahan ng Turkey at Russia ang bagong pagtatangkang diplomatiko upang tuluyan nang masumpungan ang kapayapaan sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan, na ang milyun-milyong mamamayan ay naging refugees na mula sa kanilang bansang winasak ng labanan upang magsimula ng panibagong buhay sa Europa at sa iba pang bahagi ng mundo.
Nagdeklara si President Assad ng kahandaang makipagnegosasyon sa “kahit ano” kabilang, aniya, ang kanyang posisyon bilang pangulo ng bansa, ngunit mabilis niyang idinugtong na ang puwesto niya ay masusing nakaugnay sa konstitusyon ng Syria at ang anumang bagong batas ay kailangang ratipikahan ng mamamayan ng Syria sa isang referendum.
Inaasahan ni Assad ang suporta ng Russia at Iran na ang puwersa ng sandatahan ay naging aktibo sa digmaang sibil, katuwang ang kaalyado nitong Lebanese na Hezbollah. Ang pambobomba ng mga eroplano ng Russian sa depensa ng oposisyon sa Aleppo ay labis na kinikilala sa pagkagapi ng puwersa ng oposisyon sa sinaunang siyudad sa hilagang Syria.
Nasa panig ng puwersang laban sa gobyerno ang maraming grupo na sila mismo ay hindi nagkakaisa sa maraming usapin, maliban sa pangangailangang alisin sa puwesto si Assad. Ang pangunahing grupo ng oposisyon ay tinatawag na “High Negotiations Committee”, ngunit nariyan din ang “Free Syrian Army”, ang jihadist na “Jabhat Fateh al-Sham”, at ang alyansa ng mga militia, kabilang ang Kurds, na suportado ng United States. Sa isang kumperensiyang pangkapayapaan sa Riyadh, Saudi Arabia noong 2015, kinilala ng ilang pinuno ng oposisyon sa Syria ang “Syria National Coalition”, gayundin ng Amerika, ng European Union, at ng Arab League.
Ang pagkakasangkot ng napakaraming puwersa sa magkabilang panig ng digmaan ang sinisisi sa pagpapatuloy ng labanan sa Syria hanggang ngayon. Sa mga isasagawang pag-uusap sa Kazakhstan, walang katiyakan kung aling grupo ng oposisyon ang dadalo at mangunguna sa negosasyon. “The million-dollar question is which of the opposition groups will be at the table — and I believe nobody knows yet,” sinabi ng tagapagsalita ng Foreign Minister ng Turkey.
Dito sa Pilipinas, patuloy nating sinusubaybayan ang mga kaganapang ito sa Syria dahil sa maraming dahilan. Una, dahil ang Syrian War ang dahilan ng pandaigdigang problema sa refugees na naghahangad na makapagsimula-muli ng kani-kanilang buhay sa Europa at sa iba pang lugar. Isa pang dahilan ay ang pagkakasangkot ng jihadist na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) bilang isa sa mga grupong nagpalala sa kaguluhan sa Syria, at ngayon ay naghahangad na magkaroon ng teritoryo sa Mindanao. May espesyal na papel din ang Syria sa ating pananampalatayang Kristiyano; sa lansangan patungong sa Damascus sa Syria naulinigan ni San Pablo ang boses ng Kristong nabuhay na muli at nagbunsod upang simulan ni San Pablo ang kanyang misyon, na malapit sa atin.
Higit sa lahat, nababahala tayo sa digmaan sa Syria dahil ang anumang kaguluhan sa mundo ay tiyak na makaaapekto sa bawat sulok ng ating planeta. Kaya naman bahagi ng ating pag-asam ng kapayapaan ngayong Bagong Taon ay ang magtagumpay ang nakatakdang pag-uusap sa Kazakhstan ngayong buwan.