Matapos pagnakawan ay pinatay pa ng lalaki ang isang matandang babae na kasamahan niya sa trabaho sa isang bakery sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Patay na nang matagpuan ng kanyang mga amo si Elizabeth Cordero, 62, stay-in driver at care taker ng Zelcor Enterprises bakery, sa 523 Remedios Street, Malate, Maynila.
Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si Alvin Reyes, 26, panadero sa nasabing bakery.
Sa ulat ni SPO3 Jonathan Bautista, ng Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ng Manila Police District (MPD), dakong 8:00 ng umaga kahapon nangyari ang krimen sa loob mismo ng nasabing bakery.
Nauna rito, dakong 6:00 ng umaga ay tinatawagan umano ni Rosita Sy, amo ng biktima, si Cordero sa cell phone ngunit hindi ito sumasagot.
Dahil sa pag-aalala, pinapunta ni Rosita ang kanyang asawa sa kanilang bakery upang alamin ang nangyari kay Cordero.
Pagdating sa lugar ay dito na umano nakita ng kanyang mister ang bangkay ng biktima na naliligo sa sariling dugo at may saksak sa likod ng tenga.
Bago ang insidente ay napagalitan umano ni Rosita si Reyes dahil nagsumbong ang kanyang anak na marumi ang kanilang bakery.
Inakala umano ni Reyes na si Cordero ang nagsusumbong sa kanilang amo kaya madalas siyang napapagalitan. At ito umano ang posibleng dahilan ng pagpatay sa biktima.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis. (Mary Ann Santiago)