VIGAN CITY – Buong pananabik na sinalubong ng mga residente at maging ng mga mamamahayag ang pagdating ng 20 kandidata ng Miss Universe 2017 sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sa pangunguna ng pambato ng Pilipinas na si Maxine Medina, ang 19 pang kandidata ay nagmula sa Belgium, Brazil, British Virgin Island, Bulgaria, Colombia, Czech Republic, Great Britain, Guatemala, Malaysia, Netherlands, Nicaragua, Sierra Leone, Singapore, Slovak Republic, Thailand, Uruguay, USA, Venezuela at Vietnam.

Si dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang sumalubong sa mga kandidata, na nagtungo rin sa Baluarte Zoo, at itinakda ring mag-photo shoot sa Calle Crisologo.

Kaagad ding nagsipaghanda ang mga kandidata para sa Cultural Terno Fashion Show at inirampa ang mga damit na habing inabel ng Iloco kagabi.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Naging mahigpit ang seguridad para sa mga kandidata ng Miss Universe; nagpakalat ang pulisya ng tatlong K9 dog, bukod pa sa pinakilos din maging ang militar, Bureau of Fire Protection at iba pang law enforcement units.

Samantala, handang-handa na ang Hotel and Restaurant of Baguio (HRAB) at Baguio Country Club (BCC) para i-host ang makasayasayang pagbisita ng 29 na kandidata, kabilang na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa Miyerkules, Enero 18.

Sa bisa ng Administrative Order No. 03 series of 2017 ay sinuspinde ni Mayor Mauricio Domogan ang klase sa lahat ng antas sa lungsod sa Miyerkules, habang mahigit 1,000 pulis at civilian operatives naman ang ipakakalat sa mga daraanan ng mga kandidata.

Sasakay ang mga kandidata sa apat na naggagandahang flower float na may temang Luzon, Visayas at Mindanao, habang sa BBC float naman sasakay si Wurtzbach. (Liezle Basa Iñigo at Rizaldy Comanda)