“KUNG galit sila sa akin, galit sila sa akin,” wika ni VP Leni Robredo, “sana igalang naman nila ang aking opisina.”
Ito ang kanyang reaksiyon sa pagbawi sa imbitasyong ipinadala sa kanya ng Malacañang para sa unang vin d honneur ni Pangulong Digong. Ang okasyon ay tradisyunal na pagtitipon na dinadaluhan ng mga kalihim ng Gabinete, foreign diplomats at iba pang opisyal ng gobyerno.
Pinadalhan ng imbistasyon ang bise-presidente, pero sa pamamagitan ng text message mula sa Malacañang ay sinabihan siya na hindi na siya imbitado sa nasabing pagtitipon. Ganito rin ang ginawa sa kanya nang pagbawalan na siyang dumalo sa Cabinet meeting bagamat kalihim pa siya ng Housing and Urban Development Coordinating Council. Text message rin ang ipinadala sa kanya.
Pagkatapos ng vin d’ honneur, sa closed-door conference, tinipon naman ng Pangulo sa tatlong grupo ang mahigit na 1,000 alkalde mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Iwinagayway daw niya ang makapal na “narco list” at sinabi sa mga mayor ang kanyang kampanya laban sa ilegal na droga. Pinagbantaan pa raw niyang papatayin ang mga alkadeng masasangkot dito. “Nagsalita ang Pangulo,” sabi ng isang alkalde na ayaw pabanggit ang pangalan “na para ba siyang Diyos, sinabihan kami kung sino ang dapat mamatay at sino ang dapat mabuhay.”
“Bagamat kontrobersiyal”, aniya, “sinusuportahan namin ang kanyang kampanya laban sa ilegal na droga pero, dapat ay nagpakita naman siya kahit kaunting respeto sa amin dahil halal din kami ng mamamayan tulad niya.”
Iba na kasi ang tingin ni Pangulong Digong sa kanyang sarili nang siya ay magwagi. Dahil sa lumamang siya nang malaki sa kanyang mga kalaban, ang pakiwari niya ay kinakatigan na siya ng mga mamamayan anuman ang kanyang gawin, partikular na sa pagtupad niya ng kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya. Ginagawa niya ang nakagawian niyang paggamit ng kapangyarihan noong siya ang pinuno ng siyudad.
Pero, ang nakaeengganyo sa kanyang pag-aastang matapang ay ang mga pagpatay na nagaganap sa ilalim ng kanyang administrasyon sa pagmimintina ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Dahil nga lumalabas na sinasang-ayunan siya ng nakararami dahil sa nakuha niyang matataas na approval rating sa mga survey, ang mga tumututol at bumabatikos sa kanyang ginagawa ay kanyang nilalait at kinagagalitan.
Kung nagawa niyang hiyain at laitin ang pinuno ng ibang bansa tulad ni U.S. President Barack Obama, sino ba sila VP Leni at mga alkalde ng bansa para kanyang igalang? Pero, laging may paraan ang Rule of Law at paggalang sa karapatan at karangalan ng tao para mangibabaw. (Ric Valmonte)