QUEZON -- Ang kauna-unahang Pop-up Food Market Park sa lalawigang ito ay mabilis na nagiging popular sa mga lokal at dayuhang turista na naghahanap ng iba’t ibang uri ng masasarap na pagkain.
Matatagpuan sa Pop-up Food Market Park ang Mexican Food, Bagnet Selection, Dee Fried Desserts, Cocktails, Mocktails, Shooters at Juices; iba’t ibang luto ng Pancit, Gooey Cheese, Cold Desserts, Milkshakes at Ice Cream; pang-almusal na Korean Food, Grilled BBQ’s, Japanese Food, Spicy Food, Grilled Pizzas at Burgers, Angus Beef, Sisig at Mediterranean Food.
Inorganisa ni Eric Cadavillo, ang Food Park na sinimulan niyang itatag sa Kamaynilaan upang ang mga kiosk food owners na watak-watak sa iba’t ibang lugar ay matipon at matagpuan sa iisang puwesto na lamang. Sa Lucena City, itinayo nila ito sa Halina Z Compound na nasa pusod ng lungsod.
Sa panimulang hakbang ay 17 stalls kaagad ang yumakap sa ideya ni Cadavillo na kilala sa larangan ng hotel at restaurant sa siyudad.
Katuwang ni Cadavillo si Chef AR Ranido, pangulo ng Tourism Organization of Quezon Province, Philippines Inc. (TOQPI), ang samahan na nagpapalaganap ng mga lutuin at kakaning Quezon at mga lugar na pasyalang pangturismo sa lalawigan.
Agad naagaw ang pansin ng mga estudyante, propesyunal, at mga residente ng food park dahil sa kakaibang konsepto ng lugar at paghahanda sa mga pagkain.
Sinabi ni Cadavillo na ang bawat stall ay may kanya-kanyang estilo at specialty at hindi maaaring magkaroon ng magkatulad na food preparations para maiwasan ang kumpetisyon ng stall.
Ang food park ay binubuksan at nagsisilbi sa huling tatlong araw ng kada linggo. Saad ni Cadavillo, kung magtutuluy-tuloy ang mainit na pagtanggap sa bagong sentrong ito ng culinary tourism sa probinsiya ng Quezon ay maaari nilang gawing araw-araw ang kanilang pagbubukas.