MINSAN pang pinatunayan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni PNP Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, na may TINITITIGAN ang mga pulis pagdating sa pag-iimbestiga sa kasong may kasamang mga alagad ng batas kung ihahambing sa pag-iimbestiga sa mga taong sinasabing may kaugnayan sa sindikato ng ilegal na droga dito sa bansa.
Nasabi ko ito dahil ang isang pulis na pangunahing suspek sa TOKHANG FOR RANSOM kaugnay sa negosyanteng Koreano na nawawala pa rin hanggang ngayon, ay nagawa pang pumunta sa Camp Crame, makipag-usap sa matataas na opisyal ng PNP na hindi man lamang inaresto kahit katakut-takot na ang ebidensiya sa ginawang krimen ng grupong pinamumunuan niya.
Matibay ang mga ebidensiyang nakalap ng mga operatiba ng PNP Anti-Kidnapping Group laban kay SPO3 Ricky Sta. Isabel sa pagkidnap at paghingi nito ng malaking ransom para palayain nila si Jee Ick-joo na kanilang dinukot habang nagkukunwaring nagto-TOKHANG ang kanilang grupo sa Angeles City noong Oktubre nitong nakaraang taon.
Ang malaking tanong ay bakit sa kabila ng matitibay na ebidensiya laban sa pulis na ito ay nakapamayagpag pa siya sa loob ng Camp Crame bago tuluyang nakapagtago nang umpisahan siyang pangalanan sa media at idetalye ang bagong operasyon nilang – TOKHANG FOR RANSOM. Nasiwalat na rin ang pagkakasangkot niya sa ilang kaso ng kidnapping for ransom na hanggang ngayon ay kinakaharap pa rin niya.
Parang dito pa lamang nagising ang pamunuan ng PNP, kaya biglang nagpa-press release na ipinahahanap na raw ito ni Chief PNP Ronald “Bato” dela Rosa at may order pang “shoot-to-kill” kuno ‘pag lumaban. Ngunit hanggang ngayon, ‘di pa nila mahanap ang pobreng Koreano na sa kabila nang pagbabayad ng ransom ng kanyang pamilya ay nawawala pa rin.
Nauna nang pumutok ang ganitong pala-palagay sa mga mamamayang nakapansin sa ‘di parehas na pagtrato ng mga pulis sa mga hinuhuli nilang mayayaman at mahihirap na suspek. Sa pagkatok—bahagi ng OPLAN TOKHANG ng PNP—pa lamang sa mga bahay-... bahay, walang sabi-sabi ang agad na pagdamba sa mga bahay ng mahihirap, samantalang todo ang pagpapakita ng respeto sa mga suspek na nakatira sa magagarang bahay sa loob ng ekslusibong subdibisyon.
Kung gusto talaga ng administrasyong ito na magtagumpay ang kanilang giyera laban sa droga, dapat silang maging patas sa pagtrato sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa droga at sindikato—maging mahirap o mayaman, Pilipino man o banyaga, opisyal ng pamahalaan o pulitiko, ay dapat nilang tandaan na— “Iba ang tinititigan sa tinitingnan.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)