Matapos ang “lockdown” na pakikipag-usap sa mga alkalde ng bansa, plano ni Pangulong Duterte na ipatawag ngayong linggo ang mga gobernador upang tiyakin ang pakikipagtulungan ng mga ito sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Sinabi ng Presidente na hihilingin niya sa mga gobernador na paalalahanan ang mga nasasakupan nitong alkalde at barangay chairman na tigilan na ang pagkakasangkot sa droga kung ayaw ng mga itong mamatay.

“I’d be calling the governors sa next week. Sabihin ko talaga sa kanila, ‘You tell your barangay captains, may supervisory powers kayo, and ‘yung mga cities under you, ‘yung hindi pa charter cities, you tell the mayors, reiterate to them’,” sinabi ni Duterte sa pagharap niya sa mga negosyante sa Davao City nitong Sabado ng gabi.

“But I would like to tell you, hindi ko kaya lektyuran lahat ng ano… ‘Huwag ka gyud magkumpiyansa sa akin, pu**** i**, papatayin talaga kita. Believe me. Hahanapan kita ng ambush, lasunin kita’,” banta ng Pangulo.

PBBM, nasa Abu Dhabi na para sa bilateral meeting sa UAE President

Ang plano niyang pakikipag-usap sa mga gobernador ay kasunod ng pagharap niya noong nakaraang linggo sa daan-daang alkalde sa Malacañang kung saan kinumpronta niya ang mga sangkot sa bentahan ng droga.

Una nang tinipon ng Presidente ang listahan ng libu-libong opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga gobernador, alkalde, pulis at barangay chairman na dawit sa droga.

TRIPLE CHECK, PLEASE

Nagbabala naman si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sa Malacañang na mahalagang beripikahin muna ng “triple check” ang tinaguriang “narco-list” bago ito isapubliko.

“Palagay ko dapat nang pangalanan ng Pangulo ‘yung mga nasa kanyang listahan,” ani Barbers. “Pero dapat medyo ingatan at i-triple check ang info dahil baka may halong pulitika ang pagsasangkot sa mayor sa illegal drugs. Pulitiko ang mga iyan at usung-uso ang siraan.” (Genalyn D. Kabiling at Charissa M. Luci)