Ito ang naging payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga posibleng mabiktima ng mga pagdukot matapos niyang pahintulutan ang Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) na bombahin ang mga tumatakas na kidnapper kahit na may kasamang bihag ang mga ito, upang tuluyan nang masugpo ang mga pagdukot sa Mindanao.
Sa kanyang pagharap sa business community sa Davao City nitong Sabado ng gabi, tinawag ni Pangulong Duterte na “collateral damage” ang mga bihag na mapapagitna sa laban kontra kidnappers.
“Ako ang order ko talaga sa Navy, sa Coast Guard, basta nag-kidnap, tapos trying to escape, pasabugin mo na silang lahat,” sabi ni Duterte.
“Sabi nila, ‘[paano ‘yung] hostage po.’ Sorry, collateral damage,” dagdag ng dating mayor ng Davao City. “Now, if they are blasted everyday, that would stop or at least places us in a very—and into a parity. Hindi ka lalamang sa kalokohan mo, talagang pasabugin ko siya,” paliwanag ng Presidente.
Pinayuhan din ni Duterte ang mga negosyante na huwag magpapa-kidnap dahil na rin sa nauna niyang direktiba laban sa mga kidnapper.
“Kaya huwag kayong magpa-kidnap, sa totoo lang,” sabi ni Duterte, na umani ng tawanan mula sa mga nakikinig.
“Kung g*go man ako noon, itong pagkag*go ko gamitin ko na rin sa mga g*go. Pero huwag mo akong…Kasi sabihin ko ‘yung nagbomba diyan (Davao City night market) sabi ko, hulihin ko talaga, and we were able to,” anang Pangulo.
Ang nabanggit na direktiba ng Presidente ay kasunod ng magkakasunod na pagharang ng Abu Sayyaf Group at mga kaalyado nitong bandido sa mga barko at pagdukot sa mga tripulante ng mga ito.
Nitong Biyernes ng madaling araw ay pinalaya ng Abu Sayyaf ang isang South Korean na kapitan ng barko at Pinoy na tripulante nito, na dinukot ng mga bandido habang naglalayag sa Tawi-Tawi noong Oktubre 2016.