Direk Dan copy

NAPANOOD namin ang Ilawod sa celebrity screening at kami na ang magsasabi na kikita ito.

Walang eksaherasyon, ilang beses lang kami tumingin sa screen dahil nakapikit at nakayuko kami sa halos kabuuan ng pelikula. Biniro tuloy namin ang producer na si Atty. Joji Alonso na wala pala kaming maisusulat dahil lagi kaming nakapikit.

 

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Grabe ang gulat factor ng Ilawod, kauumpisa pa lang ang tindi na ng sound effects. Napakagaling ng naglapat ng tunog, nakakatakot talaga.

 

Pawang mahuhusay umarte ang buong cast na equal billing lahat. Pati nga ang yaya, mahusay rin.

 

Ang galing ni Therese Malvar na gumaganap bilang si Isla na taga-Ilawod, subtle lang ang acting at facial expression niya pero matindi ang dating. At higit sa lahat, horny pala siya, ha-ha-ha.

 

Sinapian kasi niya si Iza Calzado kaya ang ending ginapang niya si Ian Veneracion habang natutulog.

 

Natukso naman si Harvey Bautista kay Isla kaya naging sunud-sunuran siya sa mga ginagawa sa kanya.

 

Bilang bunsong anak nina Ian at Isa, matatakutin at naive si Xyriel Manabat kaya lagi siyang tinatakot ni Isla.

 

Photographer na partner sa mga assignment ni Ian ang papel ni Epy Quizon na naguguluhan sa nangyayari sa pamilya at siya ang nakaalam na nasundan sila ng Ilawod kaya sila minumulto.

 

Samantala, kahit mahilig sa mga istoryang kababalaghan ay hindi naniniwala si Ian kaya nagalit sa kanya ang Ilawod at inistorbo ang buong pamilya.

 

Gusto naming palakpakan nang husto si Direk Dan Villegas na kahit first time gumawa ng horror film ay grabe ang hiyawan sa loob ng sinehan dahil sa sobrang pagkatakot. Napakatahimik niya habang nanonood at napapangiti lang sa mga naririnig na reaksyon ng tao.

 

Kakaiba si Direk Dan, hindi lang pala pang-rom-com, pang-horror film pa. May pinatunayan siya sa pelikula niyang ito. Hindi na siya maikakahon ngayon sa iisang genre lang.

 

Samantala, bumilib kami kay Quezon City Mayor Herbert Bautista na sa tuktok ng Cinema 7 umupo kasama ang anak na si Athena para suportahan ang kanyang bunsong si Harvey, anak niya kay Ms. Tates Gana.

 

Tinanong namin kung bakit nasa tuktok siya at kung ayaw ba niyang tabihan ang anak. Hindi ba siya proud sa bunso niya na introducing sa Ilawod?

 

“Sobrang proud nga ako, hayaan mo na kay Harvey ‘yan, okay na kami rito ni Athena.  Doon na lang siya,” nakangiting sabi ni Mayor Herbert habang kumakain ng popcorn.

 

Biniro namin siya na plano rin pala ni Harvey na maging mayor ng Quezon City pagdating ng araw.

 

“Ha-ha-ha, sinabi niya ‘yun? Hindi ko alam, eh.  Wala namang sinasabi pa. Saka showbiz ang gusto. Baka bata pa kasi kaya hindi pa siya masyado sa politics,” masayang sagot ni Bistek.

 

Gusto ng bagets na mag-aral ng filmmaking sa New York, at gusto ring magkaroon ng solong pelikula na produce ni Daddy Mayor.

 

“Ha-ha-ha, oo nga, eh. Lagi niya sinasabi na ipag-produce ko siya, sabi ko ‘sige mag-isip kami ng magandang kuwento, magsabi siya ng ideas niya. Actually nag-usap na kami ni Epy tungkol diyan, so malalaman pa kung ano’ng mangyayari,” sabi ni Bistek.

 

Hindi lang si Harvey ang interesado sa film industry, pati si Athena.

 

“Iyon naman ang trabaho natin as parents, to support our kids sa gusto nila, so okay lang kung ano’ng gusto nila sa buhay, like si Athena, gusto muna niyang maging lawyer, then pursue her dreams to film school, that’s okay, magastos lang, ha-ha-ha.”

 

Binalingan namin si Athena, plano rin ba niyang pasukin ang politics kaya gusto niyang maging abogada? 

“Hindi naman po, I just want to be a lawyer, masarap maging lawyer,” sagot niya.

 

Hiningan namin ng reaksiyon sa acting ni Harvey si Bistek pagkatapos mapanood ang Ilawod.

 

“Kinabahan ako, pero masasabi ko, mas magaling siya sa akin kasi natural ang acting niya, magaling siya for a start,” pahayag ni Mayor na nagmamadaling umalis dahil ayaw maagawan ng eksena ang anak.

 

Naroon din si Tates na panay ang punas ng luha. 

“Grabe, naiiyak ako, sobra. Hindi pa naman ako nanonood ng horror, napilitan ako dahil dito, naiiyak ako sa tuwa. Okay si Harvey.”

 

May eksenang nilalandi si Harvey ng multo na panay ang halik at may shower scene pa na ikinaloka ng lahat dahil edad 13 pa lang ang bagets.

 

“Oo nga, nagulat din ako, ‘buti na lang mga paa lang ang ipinakita,” napangiting sabi ni Tates.

 

Mapapanood na ang Ilawod sa Enero 18 nationwide mula sa Quantum Films, MJM Production, Tuko Film Productions at Butchi Boy Entertainment. (REGGEE BONOAN)