SA pagpapatuloy ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra ilegal na droga, nagbigay naman siya ng matinding babala at panawagan sa mga “narco mayor”. Kung hindi papakinggan ang panawagan ng Pangulo ay mabuti pa umanong magbitiw na lamang sa puwesto ang mga ito at magbagong-buhay sapagkat sila umano ay papatayin. Ayon pa sa Pangulo, hangga’t siya’y nasa puwesto, mamamatay ang mga big-time shabu dealer at isusunod na ang mga narco mayor.
Ang mga narco mayor na binigyang-babala at tinawagan ng Pangulo ay ang mga nakapaloob sa makapal na “narco list” na hawak ng Pangulo. Nakasulat ang kanilang mga pangalan tulad ng mga mambabatas, mga barangay captain, mga sundalo, mga pulis at opisyal ng militar na sangkot sa illicit drug trade.
Ang babala at panawagan ay ipinahayag ni Pangulong Duterte nang manumpa sa tungkulin ang hinirang niyang mga bagong opisyal ng pamahalaan. Ginanap ang mass oath taking sa Rizal Hall ng Malacañang nitong ika-9 ng Enero.
Makalipas ang isang araw, ang panawagan at babala ay sinundan ng pakikipagpulong sa 1,000 mayor mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Sila’y ipinatawag ng Pangulo.
Closed-door ang pakikipag-usap ni Pangulong Duterte sa mga ito. Sa meeting, sinasabing naging tameme o walang kibo ang mga mayor. Wala ring mayor na nangahas magsalita sa meeting o nagtanong kay Pangulong Duterte.
Nagkaroon lamang ng reaksiyon ang ilang mga mayor matapos ang meeting sa Malacañang. May alkalde na nagsalita at inilarawan ang Pangulo bilang minsa’y mapagbiro at kung minsa’y galit at nagbibintang. Isang mayor naman ang nagsabi na parang Diyos kung magsalita ang Pangulo na sinasabi nito kung sino ang mga dapat mabuhay at kung sino ang mga dapat mamatay. Hindi sana ganoon ang pakikitungo ng Pangulo sa mga mayor. Bagamat siya’y kontrobersiyal, sinusuportahan naman ng mga mayor ang kampanya ng Pangulo kontra ilegal na droga. Walang mayor na ‘di sang-ayon sa kampanya ng Pangulo. Ngunit, kahit papaano, kailangan naman niyang irespeto o igalang ang mga mayor sapagkat sila’y inihalal din ng mga mamamayan.
Maganda ang aura ng Pangulo, ayon naman sa isang mayor. Nagpatuloy sa pagbibiro... ang Pangulo. Ngunit may nagsabi naman na silang mga mayor ay nakarinig ng hindi magandang salita mula sa Pangulo na ang tinutukoy ay ang kanyang pagmumura. Ang pagmumura ng Pangulo ay itinuturing na lamang ng iba na hyperbole o bulaklak ng dila ayon sa mga makata.
Sa mga babala at panawagan ng Pangulo sa mga narco mayor, inaasahan ng marami nating kababayan na sila’y makikinig sa Pangulo upang hindi matulad sa mayor ng Albuera, Leyte. At maiwasan ang pagdanak ng dugo at patuloy na patayan.
Ang kampanya ng Pangulo kontra ilegal na droga mula nang ito’y ilunsad, umaabot na sa mahigit 6,000 na ang napatay na pawang hinihinalang drug pusher at user. (Clemen Bautista)