Nakuha ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mataas na tiwala at respeto ng publiko sa pagkakaloob ng seguridad at pag-uulat ng krimen, batay sa resulta ng survey ng National Police Commisssion-National Capital Region (Napolcom-NCR).

Nabatid na isinagawa ang survey noong Nobyembre 8, 11 at 14, 2016 sa 16 na lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila, sa ilalim ng hurisdiksiyon ng limang police district, sa 570 respondents na kinabibilangan ng mga estudyante, propesyunal, religious leader, opisyal ng barangay, empleyado, kinatawan ng business sector, force multipliers, street workers at sambahayan.

Base sa resulta ng survey, mula sa 50.78 porsiyento ay tumaas ng 1.22% at nakapagtala ngayon ng 52% ang public trust and respect sa NCRPO, habang ang dating 29.3% na level of public safety noong 2014 ay umangat sa 42.7%, sa pagtaas na 13.4%. Nasa 43.9% naman ang crime reporting by the public, kumpara sa 24.1% sa kaparehong panahon noong 2014.

Ipinakikita sa survey na naging mabilis ang NCRPO sa pagresponde sa mga sumbong at paghingi ng tulong ng publiko, habang nanguna naman ang Southern Police District (SPD) sa police response and accessibility, kasunod ang Manila Police District (MPD), Eastern Police District (EPD), Northern Police District (NPD) at Quezon City Police District (QCPD).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kuntento naman ang publiko sa antas ng seguridad, lalo na kung may presensiya o nakakalat ang mga pulis sa lugar.

Lumitaw din na ang mga pulis sa Metro Manila ay nagpamalas ng mabuting pag-uugali at wastong pagtupad ng kanilang tungkulin. - Bella Gamotea