HAWAII – Unti-unti, tumatatag ang pulso ni Pinoy golf star Miguel Tabuena sa kampanya sa PGA Tour.
Umiskor ang 21-anyos Philippine Open champion sa impresibong five-under 65 sa second round para manatiling nasa kontensyon sa PGA Tour’s Sony Open nitong Biyernes (Sabado sa Manila) sa Waialae.
Sinimulan ni Tabuena ang kampanya sa matikas na 67 para manatiling nasa sosyong ika-13 puwesto. Sa second round, kumana siya ng pitong birdies laban sa dalawang bogey.
Tangan ang kabuuang iskor na 132 matapos ang dalawang round, naghahabol si Tabuena sa siyam na stroke na bentahe nang nangungunang si American Justine Thomas.
Matapos ang course record at career record na opening-round 59, umiskor si Thomas ng 64 para sa limang stroke na bentahe sa pumapangalawang si Gary Woodland, umiskor ng ikalawang sunod na 64.