TUWING sasapit ang ikatlong Linggo ng malamig na buwan ng Enero, ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko sa iniibig nating Pilipinas ang kapistahan ng Sto. Niño—ang patron saint ng mga bata. Bahagi ng pagdiriwang ang pagdaraos ng mga misa sa mga simbahan sa mga lalawigan, bayan at lungsod tulad ng Pandacan, Maynila, Rizal, Cebu, Cavite, Romblon, Iloilo at iba pang panig ng bansa. Matapos ang misa, kasunod na nito ang prusisyon ng mga imahen ng Sto. Niño.

Sa Rizal, partikular na sa Angono, bahagi ng pagdiriwang bago sumapit ang kapistahan, ang siyam na umagang nobena sa Saint Clement Parish at ang limang araw na Sto. Niño exhibit sa ground floor ng Formation Center ng parokya. Tampok sa exhibit ang mga imahen ng Sto. Niño na nakadamit ng iba’t ibang propesyon. Sa gabi ng exhibit ay bahagi rin ang pagdarasal ng Rosaryo. Ang mga imahen ng Sto. Niño sa exhibit ay isasama sa Grand Sto. Niño sa hapon.

Ang pista ng Sto. Niño, ayon sa kasaysayan, ay isa sa pinakatanyag na pinag-uukulan ng debosyon. Nagsimula sa Sugbu (dating pangalan ng Cebu) nang ibigay ni Ferdinand Magellan bilang regalo kay Reyna Johanna nang siya’y binyagan. Si Reyna Johanna ang asawa ni Raha Humabon ng Cebu.

Ang debosyon at panata sa Sto. Niño ay nagsimula naman sa Espanya. Sinasabing si Sta. Teresa ng Avila ang pinaniniwalaang nagpakilala ng imahen ng batang si Jesus na nakadamit na tulad ng isang hari.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Mula sa Cebu, mahigit na apat na siglo na ang nakalilipas, ang debosyon at panata sa Sto. Niño ay lumaganap na sa buong bansa. At mula naman sa Europa, ang pamamanata ay ginawa na rin sa mga bansa Asya at iba pa.

Sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño, kasabay na rin nito ang pagbibigay-buhay sa mga tradisyong kaugnay ng kapistahan. Mababanggit na halimbawa ang Sinulog Festival sa Cebu City na tinawag na ‘City of the Most Holy Name of Jesus’. Ang Sinulog Festival ang nagpasikat sa Cebu City dahil sa nasabing pagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Bahagi rin ng tradisyon sa pista ng Sto. Niño ang Ati-Atihan o street dancing sa Kalibo, Aklan at ang Sinulog sa Kabankalan City, Negros Occidental at ang Udyakan sa Kabankalan na nagtatampok sa kasaysayan, kultura at pag-unlad ng Kabankalan. Ipinakikita sa pamamagitan ng sayaw at drama. Sa Iloilo City, ang pagdiriwang at pagpaparangal sa kapistahan ng Sto. Niño ay sa pamamagitan naman ng Dinagyang Festival na isa na ring tourist attraction sa nasabing lungsod.

Ang imahen ng Sto. Niño ay nagpapaalala na may mga bagay na kakaiba at kahanga-hanga sa mga bata. Sila ang masasabing pinakamalinis na nilikha ng Diyos. Ang kanilang kawalang-malay, kislap ng mga mata, mga ngiti, pagtitiwala at kasiglahan ang pinakamabisang panlaban sa pagkukunwari, pagmamalaki, malisya at kamalian na nagpapadilim sa daigdig ng mga nakatatanda.

Higit sa lahat, ang imahen ng Sto. Niño ay isang magandang tagapagpagunita upang ang mga bata ay hindi maging biktima ng child abuse, prostitution at maging palabuy-laboy sa mga lansangan dahil sa kapabayaan, katamaran at kawalan ng kalinga at pagmamahal ng kanilang mga magulang at kawalan ng pakialam ng mga nasa pamahalaan. (Clemen Bautista)