Ni Genalyn D. Kabiling
Kumpiyansa ang administrasyong Duterte na magkakaroon ng “better relationship” sa United States sa panunungkulan ni President-elect Donald Trump.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella makaraang bigyang-diin ang respetong namamagitan kina Pangulong Duterte at Trump.
“We can expect that given the fact that President-elect Trump seems to understand where President Duterte is coming from, I believe we will have a better relationship,” sinabi ni Abella sa isang panayam sa radyo.
Aniya, nais ni Duterte na irespeto ng ibang bansa ang soberanya ng Pilipinas, gaya ng paggalang ng ating gobyerno sa polisiya ng iba.
Matatandaang isa si Duterte sa mga unang bumati kay Trump sa pagkakahalal nito noong Nobyembre, at nagpahayag din ng suporta ang huli sa kampanya ng Pilipinas laban sa droga.
Pormal na maluluklok sa puwesto si Trump sa susunod na linggo bilang kapalit ni US President Barack Obama.
Magugunitang isa si Obama sa mga unang tumuligsa sa drug war ni Pangulong Duterte.
Sa kabila nito, tiniyak ni Duterte na hindi nito tatalikuran ang alyansa ng Pilipinas sa Amerika, bagamat kapansin-pansin ang isinusulong na alyansa ni Duterte sa Russia at China.