CEBU CITY – Sa kabila ng ulan at babala laban sa malalaking alon, natuloy at naging maayos ang fluvial procession kahapon ng umaga, at mahigit 100 bangka ang nakibahagi sa taunang prusisyon na pinanood ng libu-libong debotong naghilera sa pantalan ng Cebu City.
Mahigpit ang seguridad sa Pier 1 sa Cebu City habang nagsisiksikan ang libu-libong deboto na nag-aabang sa prusisyon, na pinangunahan ng replica ng galleon na ginamit ni Ferdinand Magellan kung saan nakasakay ang imahen ng Sto. Niño at ng Our Lady of Guadalupe.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nasa 60 bangka lang ang nagrehistro para sa fluvial procession ngunit mahigit 100 bangka ang sumali sa prusisyon na sinimulan sa Ouano Wharf sa Mandaue City bandang 7:00 ng umaga at nagtapos sa Pier 1.
Nauna rito, binayo ng malakas na ulan ang Cebu kahapon ng madaling araw, ngunit naging ambon na lamang ito bago pa man magsimula ang prusisyon.
“Gusto ng Sto. Niño na pumunta kami rito kaya pinatigil niya ang ulan,” sabi ng 49-anyos na debotong si Rosario Lapitan.
Pagdating sa Pier 1, ipinarada ang mga imahen ng Sto. Niño at ng Our Lady of Guadalupe hanggang sa Basilica Minore del Sto. Niño kung saan isinadula ang unang pagbibinyag noong 1521.
Nauna rito, dakong 4:00 ng umaga pa lang kahapon ay pinutol na ang signal sa lalawigan bilang pagtitiyak sa seguridad ng okasyon. Nasa 27 barangay sa Metro Cebu ang apektado sa kawalan ng signal, na tatagal hanggang ngayong Linggo ng gabi, sa pagtatapos ng Sinulog Festival. (Mars W. Mosqueda, Jr.)