DAVAO CITY – Pinalaya na kahapon ang isang Korean skipper at kasamahan niyang Pinoy na tripulante na dinukot ng mga hinihinalang Abu Sayyaf member noong Oktubre, 2016.
Mula sa Sulu ay bumiyahe kahapon ng umaga si Presidential Peace Adviser Jesus G. Dureza patungong Davao City upang kumpirmahin sa media ang pagpapalaya kay Park Chul Hong, kapitan ng barkong Korean na MV Dong Bang Giant; at sa tripulante nitong si Glenn Alindajao, na nagmula sa Cebu.
Oktubre nang dukutin ng nasa 10 armado at hinihinalang bandido sina Park at Alindajao sa baybayin ng Bongao sa Tawi-Tawi noong Oktubre.
Sinabi ni Dureza na ang embahada na ng South Korea ang magsasagawa ng debriefing para kina Park at Alindajao.
Ayon kay Dureza, hindi ipiprisinta ang mga pinalayang bihag kay Pangulong Rodrigo Duterte, na nasa Davao City para sa paglulunsad ng ASEAN Summit ngayong Linggo, sa SMX Convention Center.
Nabatid na isinuko ang dalawang bihag kay Sulu Gov. Sakur Tan, na nag-turn over naman sa dalawa kay Dureza.
Sinabi rin ni Dureza na hindi niya alam kung may binayarang ransom para sa pagpapalaya kina Park at Alindajao.
(YAS D. OCAMPO)