JAKARTA, Indonesia -- Tinupad ni dating Pinoy wushu champion Rene Catalan ang pangakong iniwan sa mga kababayan nang pabagsakin at itala ang submission victory kontra Adrian Matheis ng Indonesia sa ONE: QUEST FOR POWER nitong Sabado sa Jakarta Coliseum.

Matapos madomina ang unang round, nagpatuloy ang ratsada ni Catalan at tuluyang naigupo ang karibal may dalawang minuto sa second round. Bunsod ng panalo, nakatitiyak si Catalan na maisalang sa strawweight championship sa susunod na laban.

Matikas din na nakihamok si Pinoy fighter Vaughn ‘The Spawn’ Donayre sa loob ng tatlong round, ngunit naungusan sa krusyal na sandali ng karibal na si Vincent ‘MagniVincent’ Latoel para maisuko ang unainimous decision sa kanilang lightweight class match.

Sa main event, naidepensa ni ONE middleweight world champion Vitaly Bigdash ng Russia ang titulo sa impresibong panalo kontra ‘The Burmese Python’ Aung La N Sang ng Myanmar at manatiling undefeated sa natataging mixed martial arts promotion sa Asya.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Naitala naman ng 27-anyos na si Martin “The Situ-Asian” Nguyen ng Australia ang pinakamatikas na panalo sa fight card nang patulugin si Japanese MMA veteran Kazunori Yokota sa first round.

Nadismaya naman ang crowd nang mauwi sa ‘No Contest’ ang pinaka-aabangang duwelo sa pagitan nina lightweight contender Georgi Stoyanov ng Bulgaria at Saygid Guseyn Arslanaliev ng Russia. Sa kabila ng dominanteng porma ni Arslanaliev sa simula ng round, itinigil ng referee ang laban ng aksidenteng tamaan ng sipa sa maselang bahagi ang Bulgarian.

Mabilis din ang naging panalo ni Dutch featherweight standout Anthony “The Archangel” Engelen kontra Malaysian veteran A.J. “Pyro” Lias Mansor. Sunod-sunod ang patama ni Engelen bago napuruhan ang karibal para sa technical knockout may dalawang minuto ang nakalipas sa first round.