KAPANALIG, sa pagbiyahe mo ngayon patungo sa trabaho at pabalik sa inyong bahay, tingnan mong mabuti ang mga kasabay mo sa kalye. Pansinin mo kung sino ba ang mga dehado sa kalyeng araw-araw mong dinadaanan.
Napansin mo ba ang mga nagbibisikleta sa iyong tabi na buwis-buhay na tinatahak ang mga kalye ng ating bayan?
Marami ang nagnanais magbisikleta tungo sa kani-kanilang destinasyon, kaya lamang, napakahirap gumamit ng bisikleta sa ating bayan bilang isang paraan ng transportasyon. Nakamamatay pa nga ito.
Base sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), noong 2015, 26 na nagbibisikleta ang namatay sa kalye dahil sa bungguan habang 932 naman ang nasusugatan.
Nakakalungkot ito dahil ang pagbibisikleta ay mahalaga, lalo na para sa mga maralita na walang ibang kayang paraan ng transportasyon. Maraming construction worker na ang pangunahing mode of transportation ay bisikleta.
Ang pagbibisikleta rin ay malinis na paraan ng transportasyon. Hindi ito nagbubuga ng emission, hindi ito nakasisira ng hangin. Maliit din ang inookupa nitong espasyo hindi lamang sa pagtakbo, kundi maging sa pagpaparada.
Ang pagbibisikleta rin ay maganda para sa kalusugan. Ito ay mabisang ehersisyo laban sa obesity at iba pang sakit.
Makatutulong din sa pagbabawas ng polusyon sa hangin kaysa de-motor na sasakyan.
Kaya lamang, ang ating lipunan ay tila hindi handa sa biking bilang isang transport mode. Kaytagal nang humuhiling ng bike lanes ngunit hanggang ngayon, tila token lamang ang mga ginawang bike lanes. Linya lamang ang mga ito sa kalye at wala talagang espasyo.
Ang simpleng regulasyon o pagbibigay espasyo sa pagbibisikleta ay maraming dalang insentibo at biyaya sa lahat. Ang paglalatag ng bike lanes ay isa ring pro-poor move na tila hindi pa kayang gawin ng ating estado.
Ang pagpapalaganap ng bike lanes sa bansa ay pagkilos na makamasa, makatao, at makakalikasan. Hinihiling natin na sana’y bigyan ito ng pansin at espasyo ng kasalukuyang administrasyon. Ang pagsulong ng pagbibisikleta ay ayon sa Panlipunang Turo ng Simbahan na nagsasabi sa atin na tayo, bilang isang Simbahan, ay responsable sa lahat ng nilika.
Dapat isulong natin ang responsibilidad na ito sa publiko (Charity in Truth). (Fr. Anton Pascual)