BILANG chairman ngayong 2017 ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN), ilulunsad ng Pilipinas ang ASEAN 2017 sa Davao SMX Convention Center ngayong araw na may temang “We Are Partners for Change, Engaging the World.”
Ngayon ay espesyal na taon para sa ASEAN. Noong Agosto 8, 1967 – 50 taon na ang nakararaan – binuo ang ASEAN ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, at Thailand. Lumawak ito nang lumahok din ang Brunei, Cambodia, Laos, Myanmar, at Vietnam – at binubuo ngayon ng sampung bansa, na tahanan ng umaabot sa 625 milyon katao at may kabuuang Gross Domestic Product (GDP) na tinatayang umabot sa $2.8 trillion noong 2015.
Ang sampung bansa ng ASEAN ay binibigkis ng tinatawag na ngayong ASEAN Way – na may paggalang sa mga kulturang namamayani sa rehiyon. Ginagamit nito ang pagbibigayan at pagkakaisa sa pagbubuo ng mga desisyon. Sa pamamagitan ng tahimik na diplomasya, umiiwas ang mga kasaping bansa na pag-usapan sa publiko ang mga sigalot, upang hindi na ito mauwi pa sa mas mainit na hindi pagkakaunawaan.
Sa mga darating na buwan, gaganapin ang magkakasunod na pulong at iba pang mga aktibidad sa Pilipinas bilang bahagi ng chairmanship nito ngayong taon, na magtatampok sa 50th anniversary celebration sa Agosto at sa 31st ASEAN Summit sa Nobyembre. Mayroong nabubuong mga haka-haka kung paano haharapin ng ASEAN ang mga namumuong usapin sa rehiyon, lalo na ang hindi nagkakatugma-tugmang pag-aangkin sa South China Sea.
Ngayon pa lamang ay sinasabi na ni Secretary of Foreign Affairs Perfecto Yasay Jr. na hindi tatalakayin ng Pilipinas ang isyu sa South China Sea, bagamat naipanalo ng Pilipinas ang ruling sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong nakaraang Hulyo na tumanggi sa pag-angkin ng China sa malaking bahagi ng SCS. Ito ay legal victory para sa Pilipinas pero hindi ito tatalakayin sa kapag nagpulong na ang ASEAN leaders dito sa ating bansa sa Agosto, sabi ni Yasay.
Sa halip ay mananawagan ang Pilipinas sa mga bansang sangkot, kabilang ang China, para tapusin sa kalahatian ng 2017 ang binabalangkas na Code of Conduct sa SCS. Makatutulong ito upang lumamig ang tensiyon sa naturang lugar, lalo na sa mga artipisyal na islang itinayo ng China.
Kung mayroon mang panganib sa sigalot sa SCS, ito ay idudulot ng papasok na administrasyon ni United States President-elect Donald Trump, na ang nominado para maging secretary of state ay nagsabi sa Senate confirmation hearing na pabor siyang pagbawalan ang Beijing sa pinagtatalunang artificial islands. Umaasa tayo na mas malumanay na komprontasyon ang isasagawa ng bagong administrasyon ng US.
Ang ASEAN mismo ay mananatiling madiplomasya at may pagkakaisa – ang ASEAN Way. Bagamat nanalo tayo sa labanang legalidad sa The Hague noong 2015 ay hindi naman nito nalutas ang mga suliranin sa sabay-sabay na pang-aangkin sa lugar.
Kailangang maging maingat at madiplomasya ang ating pakikipagtalakayan tungkol sa sigalot ngayong taon na ang Pilipinas ang chairman, gamit ang ASEAN Way ng pagkakaisa.