LLANERA, Nueva Ecija - Magkasabay na naaresto ng pinagsanib na operatiba ng Provincial Investigation Branch (PIB), Nueva Ecija Police Provincial Office at Llanera Police ang dalawang barangay chairman sa magkahiwalay na lugar, nitong Friday the 13th.
Sa ulat ni Chief Insp. Alexander Aurelio, unang dinakip si Reynaldo Santos y Castaneto, 58, may asawa, chairman ng Barangay Gomez, makaraang isilbi sa kanya ang search warrant at makumpiskahan ng apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia sa loob ng kanyang bahay, dakong 10:30 ng umaga.
Sumuko sa Oplan Tokhang noong Hulyo 2016 at pangunahing drug suspect ng Llanera Police, nakumpiskahan din si Santos ng isang 12-gauge shotgun, 18 bala nito, magazine para sa .45 caliber pistol, dalawang bala ng .38 caliber Super, at mga bala ng .5.56mm caliber.
Sa bisa rin ng search warrant ay inaresto si Abundio Inovero y Ramos, chairman ng Bgy. Casile, na nakuhanan ng apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at .22 caliber rifle, bandang 8:45 ng umaga. (Light A. Nolasco)