SA wakas, binigyang-katuparan na rin ang pangakong P1,000 dagdag sa 2.2 milyong retiree at Social Security System (SSS) pensioner.
Ang katuparan ng dagdag na P1,000 ay dahil inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang across the board increase ng monthly pension ng mga SSS pensioner na ayon sa tambolero ng Malacañang ay itinuturing na kontratang panlipunan ng Pangulo sa mga mamamayang Pilipino.
Ang dagdag na P1,000 ay matatanggap ng mga SSS pensioner ngayong Enero. Sa pagkakaloob ng dagdag na P1,000 sa mga SSS pensioner, may kondisyon naman na itataas ang monthly premium ng mga aktibong miyembro ng SSS. Ang dating 1.5 porsiyento ay magiging 12.5 porisyento ang buong kontribusyon na paghahatian ng mga employer at mga empleyado.
Sisimulan ang dagdag sa monthly premium sa Mayo.
Ang dagdag na P1,000 sa SSS pension ay naging hudyat ng pagbasura sa pagtutol ng mga economic manager ni Pangulong Duterte na ang katwiran ay mababangkarote ang pondo ng SSS kung hindi muna pagtitibayin ang tax reform law at tataasan ang premium ng mga miyembro ng SSS.
Matatandaang binatikos ng mga pensioner, umiinom na ng mga maintenance medicine dahil high blood, diabetic at nirarayuma, ang Pangulo nang hindi nito lagdaan ang joint resolution na pinagtibay ng Kongreso kaugnay sa dagdag na P1,000.
Dahil maliit ang kanilang pension, kulang ang kanilang pambili ng gamot kaya abot-langit ang kanilang dasal noon na sana’y magkaroon ng malasakit si Pangulong Duterte.
Iba-iba ang reaksiyon ng ating mga kababayan, lalo na ang mga SSS pensioner, sa pinagtibay na P1,000 dagdag pension.
Maraming SSS pensioner ang nagpasalamat kay Pangulong Duterte. Malaking tulong umano ang nasabing halaga para makabili sila ng mga gamot na magpapahaba ng kanilang buhay. May mga senior citizen at SSS pensioner ding nagbiro sa pagsasabing marami sa kanila ay ilang tulog na lamang ay hindi na magigising.
Samantala, kaugnay nito, nagpahayag naman ng pagtutol si Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon sa dagdag-singil sa SSS premium at sinabing bagamat kapuri-puri ang dagdag-pension, hindi naman dapat maging katwiran ang dagdag na SSS premium sapagkat labag ito sa batas. Paliwanag pa niya, “Such action is contrary to the law. The SSS is not allowed to rise the premium rates so if can increase benefits.”
Ayon naman kay SSS President Emmanuel Dooc, pagbubutihin nila ang pangongolekta ng kontribusyon sa mga employer at palalakasin ang investment ng pondo ng SSS. Dapat lang, President Dooc para hindi mabangkarote ang pondo ng SSS.
Sampahan din ng kaso ang mga employer na hindi nagre-remit ng premium ng mga miyembro ng SSS. (Clemen Bautista)