MISMONG kay Sunshine Cruz namin nalaman na pinagbawalan siya ng kanyang bagong abogado na mag-post ng pictures na kasama ang kanyang boyfriend na si Macky Mathay.
Kinausap daw siya ng kanyang lawyer na iwas-iwasan muna nila ni Macky na magpakuha ng larawan na magkasama. Maaari raw kasi itong makakaapekto sa inihain niyang “annulment case” laban sa dating asawa niyang si Cesar Montano.
Kaya sa mga okasyon na dinadaluhan nila ngayon ni Macky ay umiiwas na muna silang magpakuha ng picture na magkasama.
Pero okey lang na magpakuha siya ng picture with Macky kung pangpersonal lang nila at hindi pampubliko.
Kuwento ng aktres na busy ngayon sa bagong serye niyang Wildflower, mag-aapat nang naka-file ang naturang annulment case at ipinagdarasal niyang lagi na mapawalang bisa na ang kasal nila ni Cesar. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ito naga-grant ng korte.
Pagkatapos makipaghiwalay kay Cesar ay ngayon lang nagkaroon ng bagong karelasyon si Sunshine, unlike sa dating asawa na nagkaroon na ng iba’t ibang nakarelasyon, huh!
Ang tatlong anak nila na sina Angelina, Sam at Cheska ay nasa pangangalaga ni Sunshine. Nakatira sila ngayon sa BF Homes, Parañaque. Ang panganay ay kinukuha nang maging artista ng isang malaking network pero mas gusto ni Sunshine na bigyan ng prayoridad ng mga bata ang kanilang pag-aaral – kung siya lang ang masusunod.
Samantala, huling namataang magkasama sina Sushine at Macky sa party ng dating aktres at ngayon ay negosyante nang si Ramona Revilla na kapitbahay lang ng una. (JIMI ESCALA)