INILABAS na ng Department of Tourism (DOT) ang iskedyul para sa 65th Miss Universe 2017 na gaganapin ang culmination event sa pageant night sa January 30 sa MOA Arena.

Simula nitong Huwebes hanggang ngayon, nagdadatingan na ang mga kandidata mula sa iba’t ibang bansa at nagkakaroon na ng fittings at registration.

Ngayong araw, bukod sa pagsalubong sa iba pang mga kandidata na darating sa bansa, magkakaroon din ng group taping sa Boracay ang mga kalahok.

Mula Boracay, tutungo ang mga kandidata sa Vigan City para sa Terno Fashion Show. Babalik sila sa Manila sa Enero 16, Lunes, para sa Governor’s Ball sa SMX Convention Center dakong 6:30 ng gabi.

Tsika at Intriga

Biktima raw ng tunay na estafador: Atty. Kiko, handang tulungan si Neri sa kaso

Matutunghayan din ng mga kandidata ang parada sa Sinulog Festival, Cebu sa kanilang Swimsuit Fashion Show sa JPark Island Resort and Waterpark, Cebu sa Enero 17.

Pagkaraan nito, hahatiin ang mga kandidata sa grupo para sa Street Motorcade sa Enero 18-19, sa pagbisita nila sa Baguio, Davao, at Batangas.

Babalik uli sila sa Manila sa Enero 20 para sa gaganaping fashion show sa SMX Convention Center sa Enero 21.

Dadalo naman sila sa Food Festival sa Manila Hotel sa Enero 22. Magkakaroon sila ng courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang sa Enero 23 at tutungo sa National Gift Auction sa Conrad Hotel sa gabi.

Ang National Costume Competition ay gaganapin sa Enero 24, at sa Enero 25-29 naman magaganap ang preliminary competition.

Sa Enero 30, matutunghayan na ang pinakainaabangang coronation night ng 65th Miss Universe na live telecast mula Mall of Asia Arena dakong 8:00 ng umaga at after party sa gabi. (AIRAMAE A. GUERRERO)