AYON kay Sen. Ping Lacson, nagsabwatan ang Malacañang at Kongreso upang mapanatili nila ang pork barrel sa P3.35-trillion General Appropriations Act.
“Ang mga Senador,” sabi niya, “ay hiningan ng Malacañang ng listahan ng kanilang proyektong nagkakahalaga ng P300 milyon bawat isa bago isinumite ang budget sa Kongreso, sa panahong pinag-uusapan ito at kahit na ito ay nasa bicameral conference na.” Paraan, aniya, ito para malusutan ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ang ipinagbabawal ng Korte Suprema, ayon naman kay Senate President Pimentel, ay iyong pakikialam ng mga mambabatas sa implementasyon ng kanilang proyekto pagkatapos na maipasa ang budget. Walang masama, aniya, na ang mga mambabatas ay magmungkahi kung ano ang nais nilang ilagay at pondohan sa budget.
Pero, kay Sen. Franklin Drilon, hindi lang naman ito pagkakaiba ng pork barrel noon sa mga pondong nakalaan ngayon sa mga proyekto ng mga mambabatas. Ang sistema raw ngayon, ang mga proyektong isinumite ng mga mambabatas ay puwedeng repasuhin ng Kongreso at puwedeng i-veto ang mga ito ng Pangulo bilang line item. Hindi puwedeng ilabas ang pondo sa mga proyekto nang hindi niya inaaprubahan.
Pork barrel man o hindi ang nasa budget ngayon na nakalaan o inilaan sa mga napiling proyekto ng mga mambabatas, mabigat ang epekto nito sa kanilang departamento. Ang gobyerno ay nahati sa tatlong departamento- Kongreso, ehekutibo at hudikatura- na patas at malaya ang isa’t isa sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ang hindi maganda sa sistema ng pondo para sa proyekto ng mga mambabatas, ay maaari silang kontrolin o diktahan ng Pangulo. Madali silang mapasunod sa gustong mangyari ng Pangulo, o kaya madaling makuha ng Pangulo ang naisin niya sa kanila. Kasi, ang kanilang pagsuway o pagtanggi sa kanyang kagustuhan ay puwede niyang maging dahilan para pigilin o hindi aprubahan ang pagpapalabas ng pondo para sa kanilang proyekto.
Naririto pa rin ang corruption. Hindi maiaalis ang porsiyentohan na ang bahagi ng pondo ay maibubulsa ng mga mambabatas. Kapag sinabi sa contractor na gagawa ng proyekto at sa mambabatas ito, alam na nila ang “SOP” at “for the boys”.
Ang trabaho ng mga mambabatas ay lumikha ng batas. Hindi sila dapat nakikialam sa pagpapagawa ng mga proyekto. May nag-aaral diyan na isinasaalang-alang ang kapakanan ng bansa sa kabuuan. (Ric Valmonte)