Unti-unti nang nagiging matalik na magkaibigan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Japan Prime Minister Shinzo Abe.
Pinatikim ang bumibisitang Prime Minister ng “durian” diplomacy at hospitality sa pagdalaw niya sa bahay ni Duterte sa Davao City kahapon.
Casual ang setting ng pagtanggap ni Pangulong Duterte kay Abe, at nagsalo sila sa almusal na mga sariwang prutas at kakanin, gaya ng biko, kutsinta, suman at puto, at monggo soup.
Paliwanag ni Presidential Communications Assistant Secretary Ana Banaag, gusto ng Pangulo na na “feel at home” si Abe sa pagbisita nito sa Davao City kaya naman tiniyak ni Duterte na “more relaxed and more friendly” ang pagtatagpo ng dalawang leader kasunod ng pormal nilang paghaharap sa Malacañang nitong Huwebes ng gabi.
“This is what the President wanted, ‘yung friendly lang, ‘yung hindi masyado ang ano—‘yung pormal at hindi masyado ‘yung mga protocols so that they would also feel we are more than friends, we are brothers,” sinabi ni Banaag sa press conference sa Davao.
“He wants them to feel at home na ito lang po kasi—ganito lang po kasimple ang ating Presidente lalung-lalo na kapag nandito sa Davao. Naka-polo lang,” dagdag niya.
Bumisita si Abe sa Davao City isang araw makaraan siyang mag-alok ng one trillion yen aid package para tukuran ang mga pamumuhunan sa ekonomiya at imprastruktura ng Pilipinas sa susunod na limang taon.
Kahapon ng umaga, kasama ni Abe ang maybahay niyang si Akie sa pag-aalmusal sa bahay ni Duterte sa Doña Luisa Subdivision sa Matina, at nagpalitan sila ng kani-kanilang regalo kasama ang partner ng Pangulo na si Honeylet Avanceña.
Pinapasok din ni Duterte si Abe sa loob ng kanyang silid at ipinakita sa opisyal ang paborito niyang kulambo, na bitbit niya kahit saan dahil hindi siya nakakatulog nang wala ito.
Pagkatapos ng almusal, nagtungo sina Duterte at Abe sa Waterfront Insular Hotel para harapin ang mga negosyanteng Pinoy at Japanese, bago sila dumalo sa ceremonial adoption ng na-rescue na Philippine Eagle na pinangalanang “Sakura”.
Matapos ito, inimbitahan ni Duterte sina Abe at Akie na tumikim ng durian at ng iba pang prutas na ipinagmamalaki ng Davao bago nananghalian sa kaparehong hotel.
Bumisita rin ang Prime Minister sa Mindanao Kokusai Daigaku, isang international college ng Japan sa Davao at sinalubong at inawitan siya ng mga estudyante ng “It’s a Small World” sa Japanese. (Genalyn D. Kabiling)