LOS ANGELES (AP) – Lumagpas na sa isang milyon ang nakuhang boto ni four-time MVP LeBron James, habang tumatag ang kapit sa Top 10 ng sopresang si Zaza Pachulia ng Golden State Warriors sa pinakabagong resulta ng on-line voting para sa 2017 NBA All-Star Game nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nakatanggap ng botong 1,066,147 si James para manguna sa Top 10, habang nakabuntot si two-time MVP Stephen Curry na may kabuuang 990,390 boto at nangungunang player sa Western Conference.

Para sa Western starter, makakasama ni Curry ang mga kasangga sa Warriors na sina Kevin Durant (ikatlo sa overall) na may 987,479 boto at si Pachulia na patuloy na nakatatangap ng ayuda tangan ang 823,376 boto.

Nadoble ni Pachulia ang bentahe sa 192,610 mula sa unang 98,435 boto kay San Antonio Spurs' Kawhi Leonard (630,766) kasunod si New Orleans Pelicans star Anthony Davis is (567,201).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakikipaglaban para sa nalalabing slot sa posisyon ng guard sa West sina Houston Rockets’ James Harden (961,685) at Russell Westbrook (899,024) ng Oklahoma City Thunder.

Sa Eastern Conference, makakasama ni James sa frontcourt sina Milwaukee Bucks Giannis Antetokounmpo (963,110) at kasangga niya sa Cleveland Cavaliers na si Kevin Love (473,328). Sa posisyon ng guard, nangunguna si Cavs star Kyrie Irving (971,362) at Chicago Bulls veteran Dwyane Wade (514,866).

Nagpakita naman ng malaking pagtaas sa boto sina Philadelphia 76ers rookie Joel Embiid (457,300), Toronto Raptors leading scorer DeMar DeRozan (453,538) at Boston Celtics’ Isaiah Thomas (401,671).

Sa kabila ng ayuda ng mga kababayang Pinoy, nabigo si Los Angeles Lakers guard Jordan Clarkson na makapasok sa Top 10 sa West guard position. Tangan ni Zach LaVine ng Minnesota Timberwolves ang ika-10 puwesto (94,867).

Mula sa boto ng fans (50%) at NBA players (25%) at basketball media (25%), pipiliin ang starting five para sa All-Stars Game. Binubuo ang starter ng tatlong frontcourt player at dalawang guard. Ang mapipiling coach ng magkabilang team ang siyang pipili sa nalalabing tig-pitong player bilang reserve.

Ayon sa NBA, lumagpas sa 21 milyon ang natanggap na boto, may 14% pagtaas sa resulta ng boto sa parehas na panahon sa nakalipas na taon. Ang huling araw ng pagsumite ng boto ay sa Enero 16 (Enero 17 sa Manila).