Inakala ng jeepney driver na ligtas na sila matapos niyang makabig ang manibela paiwas sa tinutumbok nilang bangin sa bayan ng Pinamalayan sa Oriental Mindoro.
Ngunit sa biglaan niyang kabig, kasabay ng pagpalya ng preno, hindi naiwasan ng 34-anyos na si Dennis Torio ang pagsalpok ng overloaded na jeep sa isang puno bago ito tuluyang bumaligtad sa kalsada.
Isang lalaki ang nasawi sa aksidente, habang 37 iba pa ang nasugatan.
Kinumpirma ni Chief Supt. Wilben Mayor, Police Regional Office (PRO)-4B director, na nasawi sa aksidente ang pasaherong si Carlo Salino Ferrnacullo makaraan itong tumilapon.
“Isa siya (Fernacullo) sa mga nakasakay sa bubong ng pampasaherong jeepney. Tumilapon silang lahat na nasa ibabaw ng jeep, pero siya lang ang napuruhan,” sabi ni Mayor.
Ayon kay Mayor, patungo sa bayan ng Pola ang jeep na minamaneho ni Torio nitong Miyerkules ng hapon nang mapansin ng huli na nawalan ng preno ang sasakyan habang tinatahak nila ang pababang bahagi ng provincial road sa Barangay Banilad.
Nagawang maiwasan ni Torio ang bangin na unang tinumbok ng jeep, ngunit hindi niya napigilan ang pagsalpok ng sasakyan sa isang puno ng niyog sa gilid ng kalsada.
Lima sa mga pasahero ay bata, edad tatlo hanggang 11, ayon kay Mayor. Ligtas na silang lahat.
Karaniwang hanggang 20 lang ang pasahero ng jeep, ngunit pangkaraniwan na rin sa mga jeep sa malalayong lalawigan ang punumpuno ng pasahero, na umaabot hanggang sa bubong.
Bukod sa mga pasahero, overloaded din ng mga alagang hayop ang naaksidenteng jeep, gaya ng mga baboy at manok na ibebenta sana sa palengke. (AARON B. RECUENCO)