Naging madugo ang isa sanang masayang inuman nang mapatay ang isang barangay kagawad habang sugatan naman ang isang binata makaraang umeksena ang riding-in-tandem sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Patay na nang isugod sa ospital si Archie Mechelena, 39, barangay kagawad ng Barangay 96, Zone 8, District 1, at residente ng 305 Trinidad Street, Tondo, dahil sa mga tama ng bala sa katawan habang sugatan naman si Dexter Malit, 19, ng 143-B Mapagmahal St., Tondo.

Sa ulat ni PO2 Benjamin Ferrer kay Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 2:45 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa Lacson St., sa Tondo, sakop ng Barangay 96, Zone 8, District 1.

Ayon kay Malit, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang braso, masaya silang nag-iinuman sa nasabing lugar nang biglang dumating ang dalawang ‘di pa nakikilalang suspek na sakay sa isang itim na MIO motorcycle, at sila’y pinagbabaril. (Mary Ann Santiago)

Metro

‘Don’t be like Brice Hernandez!’ Sec. Dizon, nagbabala sa kabataang papasok sa DPWH