Pinuri ng United Nations Population Fund (UNFPA) kahapon ang paglalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 12 na sumusuporta sa implementasyon ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law, at sinabi na ang hakbang ay malaking tulong sa family planning program ng pamahalaan.
“The full and immediate implementation of the RPRH Law is critically important for the government to deliver on its family planning program, which has been identified by President Duterte as one of his priorities when he assumed office,” sabi ni Klaus Beck, UNFPA Country Representative.
Sinabi rin ng UNFPA na nananatili ang buong puwersa nitong pagsuporta sa pagsisikap na ito ng pamahalaan at ng civil society. Ang UNFPA ay nakikipagtulungan sa mga local na pamahalaan upang masiguro ang de-kalidad na reproductive health services, kabilang ang family planning, lalo na sa mahihirap na mga komunidad na nangangailangan nito.
Sinabi rin ng opisyal ng UNFPA na ang EO ay magpapatatag sa family planning scheme bilang bahagi ng RPRH, at makapagsusulong sa pagtupad sa pangako ng Pilipinas na matamo ang 2030 sustainable development agenda at ang Sustainable Development Goals (SDGs) nito, na naglalayong maiangat ang kabuhayan ng lahat na mamamayan, lalo na ang pinakamahihirap. (PNA)