Pinaplano na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang gagawing pagpapautang sa maliliit na negosyante kasunod ng paghihigpit o tuluyang pagbabawal sa 5-6 lending scheme ng mga Indian, na nakasanayan nang tawaging Bumbay, sa bansa.

Sinabi ni DTI Undersecretary Teodoro Pascua na uunahin nila ang mga nasa malalayong probinsiya kapag tuluyan nang naipatupad ang nabanggit na polisiya laban sa 5-6 na pagpapautang.

Dagdag pa nito, ang pondo ay idadaan sa mga micro-lending institution at hindi lalagpas sa 26 na porsiyento ang interes sa isang taon, o hindi hihigit sa tatlong porsiyento kada buwan.

Maaaring makautang ang maliliit na negosyante ng minimum na P5,000 hanggang P300,000.

Metro

‘Don’t be like Brice Hernandez!’ Sec. Dizon, nagbabala sa kabataang papasok sa DPWH

Kasabay nito, napaulat na nilinaw ni Pascua na hindi tuluyang tatanggalin ang 5-6, dahil ang pagpapautang ng DTI ay magsisilbing alternatibo lamang.

‘DI LANG BUMBAY ANG MAY 5-6

Sinabi naman ni Senator Panfilo Lacson na hindi tamang ituon lamang sa mga Indian ang kampanya laban sa mga nagpapautang na may labis na tubo, dahil may mga Pinoy at Chinese rin na sangkot sa nasabing sistema ng pautang.

Ang mahalaga, aniya, ay ang tiyakin ng pamahalaan na may mga alternatibong pagkukunan ng pera para sa mga nangangailangan.

“Tama lang ‘yun pero dapat hindi lang mga Bumbay ang target. Sumusobra na rin kasing pahirap sa mga nagigipit at nangangailangan ng pera na kapit sa patalim. Dapat may pamamaraan ang gobyerno na buksan ang credit facilities ng mga bangko at iba pang lending institutions sa pamamagitan ng mas simpleng paraan, tulad ng mga requirements at mga qualifications para mangutang,” ani Lacson.

Paliwanag ni Lacson, mas pinipili ng publiko ang manghiram sa mga may mataas na tubo kumpara sa mga bangko at kooperatiba na karaniwan nang maraming papeles ang dapat isumite.

Una nang inihayag ng gobyerno na seryoso ito sa paghabol sa mga nagpapautang nang may malaking tubo, at sinabing maaaring dakpin ang mga ito kahit pa walang arrest warrant.

PINABORAN

Isa namang arsobispo ang sumang-ayon sa bagong programa ng gobyerno na “P3 Program” o Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso na direktiba ni Pangulong Duterte kapalit ng 5-6 na pagpapautang.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), maganda ang nabanggit na programa kaya pabor siya rito.

Naniniwala si Cruz na mas makabubuti ang P3 para sa mamamayan dahil sa mas mababang interes na 10 percent per annum lamang, kumpara sa 20% sa 5-6. (BETH CAMIA, LEONEL ABASOLA at MARY ANN SANTIAGO)