HONOLULU (AP) — Wala pang major title, ngunit sa edad na 23, miyembro na si Justin Thomas ng pamosong ’59 Club’ sa PGA Tour.

Tinanghal na ikapitong player sa listahan si Thomas nang maisalpak ang 15-foot eagle putt sa final hole para makopo ang pangunguna sa opening round ng Sony Open tangan ang 11-under 59 nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Hindi inakala ni Thomas na magaganap pa ang minimithing marka nang mapunta ang kanyang ‘drive’ may isang talampakan ang layo sa bunker sa par-5 hole No.9 ng Waialae Country Club. Sapantaha nang hindi niya mararating ang green sa ikalawang tira, ngunit nang makitang nagawang mailabas ni Daniel Berger ang bola mula sa bunker gamit ang 4-iron, nagiba ang kanyang pananaw.

“This wasn’t a time to lay up,” pahayag ni Thomas.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Gamit ang 5-iron, binira niya ang bola na lumapag sa green sa layong 15 talampakan sa cup. Napasuntok na lamang siya sa hangin nang magawang maisalpak ang bola. Higit pang nagdiwang ang kanyang flightmate na sina Berger at Jordan Spieth.

“I got more excited from seeing them get excited,” aniya.

Si Jim Furyk ang huling player na umiskor ng sub-60 round sa naitalang record na 58 sa Travelers Championship nitong summer. Naitala rin niya ang 59 sa 2013 BMW Championship para makasama sa ’59 Club’ sina Al Geiberger (1977 Memphis Classic), Chip Beck (1991 Las Vegas Invitational), David Duval (1999 Bob Hope Classic), Paul Goydos (2010 John Deere Classic) at Stuart Appleby (2010 Greenbrier Classic).