KABUUANG 10 koponan ang mag-aagawan para sa kampeonato ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup na nakatakdang magsimula sa Enero 19.
Tulad nang nakagawian, isa lang tradisyunal na opening ceremonies ang idaraos bilang panimula ng torneo ganap na 2:00 ng hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig, bago ang nag- iisang laro tampok ang AMA Online Education na pinangungunahan ni Jeron Teng at baguhang Batangas na mag- uumpisa ganap na 3:00 ng hapon.
Magpapatuloy ang bakbakan sa Enero 23 kung saan maghaharap ang guest team Blustar Detergent-Malaysia at contender Racal ganap na 3:00 ng hapon kasunod ang sagupaan ng last season’s runner-up Cafe France at ng Tanduay sa ika-5:00 ng hapon.
Sasalang naman sa unang pagkakataon ang nagbabalik na Jose Rizal University sa Enero 24 kontra Blustar sa ika-3 ng hapon na susundan ng unang laro rin ng Cignal-San Beda laban sa AMA ganap na 5 00 ng hapon.
Makalalaro naman ng Victoria Sports-MLQU ang nagbabalik ding Wang’s Basketball sa unang pagkakataon. sa Enero 26 ganap na ika-5 ng hapon.
Samantala, ang pagtatapat ng mga champion mentor na sina Egay Macaraya at Boyet Fernandez ay magaganap sa Enero 30 habang sa Pebrero 2 naman ang pagtatapat ng mga top picks sa nakaraang draft na sina Teng at Jom Sollano sa paghaharap ng AMA at Racal.
Ang apat na koponang malalagay sa ilalim ay matatanggal matapos ang elimination phase, habang ang top two teams ay direktang papasok sa semifinals habang ang mga natitirang koponan ay maghaharap sa quarterfinals.
Ang semifinals at Finals ay kapwa paglalabanan sa best-of-3 series. (Marivic Awitan)