IMINUMUNGKAHI ng bagong pag-aaral na ang mainam ang benepisyo sa kalusugan ng pagwo-workout tuwing weekend.

Sa pag-aaral, sinuri ng mga researcher ang tinatawag na weekend warrior, na pinipilit siksikin sa isa o dalawang araw lamang ang pag-eehersisyo na dapat isagawa sa loob ng isang linggo.

Napag-alaman ng mga researcher na ang mga weekend warrior na sumunod sa physical activity guidelines ay mas maliit ang posibilidad na mamatay sa siyam na taong study period, kumpara sa mga taong walang anumang ehersisyo. Ang pagsunod sa guidelines ay katumbas ng paggawa sa kabuuang 150 minuto na moderate-intensity activity o 75 minuto na matinding aktibidad sa isa o dalawang araw kada linggo.

Idinagdag din na ang mga taong hindi sumunod sa physical activity guideline, ngunit nag-ehersisyo sa isa o dalawang araw kada linggo, ay mas mababa ang panganib sa maagang pagpanaw kumpara sa mga taong hindi nag-ehersisyo.

Metro

Ama ng estudyanteng tumalon sa LRT, 'di magsasampa ng kaso sa driver

“The present study suggests that less frequent bouts of activity, which might be more easily fit into a busy lifestyle, offer considerable health benefits,” saad ng mga researcher sa kanilang artikulo na inilathala nitong Lunes sa journal JAMA Internal Medicine. Ang mga researcher ay mula sa National Centre for Sport and Exercise Medicine-East Midlands sa Loughborough University sa United Kingdom .

“A particularly encouraging finding was that a physical activity frequency as low as one or two sessions per week was associated with lower mortality risks,” kahit hindi nasunod ng mga tao ang physical activity guidelines, saad ng mga awtor.

Sinuri ng mga researcher ang impormasyon mula sa mahigit 63,000 katao na edad 40 pataas na nakatira sa England at Scotland. Sinundan sila sa loob ng siyam na taon. Nang tanungin tungkol sa tagal ng kanilang pag-eehersisyo tuwing may libreng oras, ibinahagi ng halos 40,000 katao na hindi sila nag-eehersisyo tuwing mayroon silang libreng oras, at halos 14,200 ang nagsabi na nakakapag-ehersisyo sila ngunit hindi nakasunod sa physical activity recommendation.

Halos 2,300 ang weekend warriors, na hindi nakasunod sa guidelines ngunit nakapag-ehersisyo ng isa o dalawang araw sa loob ng isang linggo, at halos 7,000 ang nakasunod sa physical activity guidelines sa pagkakaroon ng tatlong session ng pag-eehersisyo kada linggo.

Sa loob ng study period, halos 8,800 katao ang namatay, ang 2,780 sa mga ito ay sanhi ng sakit sa cardiovascular; 2,526 mula sa cancer; at ang natira ay nagmula sa iba pang mga kadahilanan.

Nasa 30 porsiyento ng mga weekend warrior ang mas mababa ang panganib na pumanaw mula sa anumang sanhi sa loob ng study period, kumpara sa mga taong hindi nag-eehersisyo. Nasa 40% naman ang mula sa cardiovascular at 20% mula sa cancer kumpara sa mga hindi nag-eehersisyo.

“These findings suggest that some physical activity in an isolated session, or low activity, is certainly better than no activity for reducing mortality risk,” sabi nina Hannah Arem at Loretta DiPietro ng George Washington University.

Gayunman, inihayag nina Arem at DiPietro na hindi sangkot sa pag-aaral, na kailangan pang ituloy ang pag-aaral at pagsisiyasat kung gaano kadalas dapat mag-ehersisyo ang mga tao, at kung gaano dapat katindi ang aktibidad, para makuha ang pinakamainam na benepisyo sa kalusugan. (Live Science)