Walang isasarang kalsada ang pamahalaan para sa grand coronation night ng Miss Universe 2016 sa Mall of Asia Arena, sa Pasay City, sa Enero 30, 2017.
Ayon kay Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre, mahigpit ang kautusan ng Pangulong Rodrigo Dutetre na hindi dapat na maapektuhan ng pageant ang daloy ng trapiko upang hindi mahirapan ang mga residente ng Metro Manila.
“Very strict ang instructions ng Presidente -- do not affect the flow of traffic and do not make it difficult for Manila residents,” ani Alegre.
Matatandaan na isa sa mga madalas ilitanya noon ng Pangulo ang hirap na dinaranas ng mga residente at mga motorista tuwing may nagaganap na malaking okasyon o pagtitipon sa bansa dahil sa pagsasara ng mga kalsada, na nagdudulot ng matinding trapik.
Isa-isa nang nagdadatingan ang mga kalahok sa 65th Miss Universe pageant sa nakatakdang pagsisimula ng kanilang out-of-town activities sa susunod na linggo. (Mary Ann Santiago)