Hindi na inimbitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo sa katatapos na Vin d’Honneur sa Malacañang upang maiwasan ang nakakailang na sitwasyon sa kanyang katunggali sa politika, ayon sa isang opisyal ng Palasyo.
“Mag-iinvite ka ba ng tao na ‘di mo kasundo ‘di ba? Mahirap naman, parang awkward,” sabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa panayam ng DZMM.
Ito ang paliwanag ni Andanar matapos hindi kasama si Robredo sa matataas na opisyal ng pamahalaan na dumalo sa unang New Year reception ng Pangulo para sa diplomatic community sa Palasyo noong Miyerkules.
Iniulat na noong una ay imbitado ang Vice President sa okasyon ngunit binawi ito dahil limitado ang mga bisita.
Kamakailan ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Duterte at Robredo matapos pagdudahan na kabilang ang Vice President sa mga nagpaplanong patalsikin sa puwesto ang Pangulo.
Depensa ni Andanar, may karapatan ang Pangulo na piliin kung sino ang nais niyang imbitahan.
“Siyempre prerogative ng Presidente kung sino ang gusto niyang invite. It’s his house, yung Malacañang,” ani Andanar.
“Siyempre yung gusto mong i-invite, yun ang invite mo. Kung yaw mo ii-invite, e di wala na tayong magagawa,” dagdag niya. (Genalyn D. Kabiling)