SAN NICOLAS, Batangas - Kinatigan ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang ordinansang inaprubahan upang ipagbawal ang paninigarilyo sa mga lugar malapit sa Taal Volcano Island na nasasakupan ng San Nicolas, Batangas.
Lunes nang inaprubahan sa regular na sesyon ng Sanggunian ang Municipal Ordinance No. 06-S.2016 ng naturang bayan, na pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng San Nicolas noong Setyembre 2016.
Bukod sa smoking ban sa Taal Volcano Island, ipinagbabawal din ang paninigarilyo sa Pansipit Riverbanks at Taal Lake Shoreline, gayundin sa mga eskuwelahan, simbahan, health center, gasolinahan, establisimyento at pampublikong sasakyan.
Ang lalabag ay pagmumultahin ng P500-P1,000 at community service, at maaari ring makulong ng hindi hihigit sa limang araw. (Lyka Manalo)