Kusang-loob na sumuko ang isang pulis matapos nitong barilin ang isang lalaki na umano’y nakasira ng kanyang sasakyan sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si PO1 Anthony Jaira Nepomuceno, 30, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 11, at residente ng 4334 Albina Street, Sta. Mesa, Manila.

Isinugod naman sa ospital si Mark Jonathan Aguito, 20, binata, ng 2201 Anonas St., Sta. Mesa.

Sa ulat ni Police Supt. Olivia Sagaysay, station commander ng MPD-Station 8, dakong 12:55 ng madaling araw nangyari ang insidente sa Altura Extension, kanto ng Albina St., Sta. Mesa.

Metro

Ama ng estudyanteng tumalon sa LRT, 'di magsasampa ng kaso sa driver

Ayon kay Aguito, galing umano siya sa Sacred Church sa Old Sta. Mesa at naglalakad na pauwi, kasama ang isang kaibigan, nang sitahin siya ng suspek dahil sa pagkakasira ng kanyang sasakyan hanggang sa nauwi sa pamamaril.

Ayon naman kay Nepomuceno, napilitan siyang barilin ang biktima upang ipagtanggol ang kanyang sarili matapos umano siya nitong atakihin ng jungle bolo at pagbabatuhin.

Mismong si Nepomuceno ang nagsugod sa biktima sa Ospital ng Sampaloc, ngunit kalaunan ay inilipat din sa Jose Reyes Memorial Medical Center at nasa maayos na ngayong kondisyon. (Mary Ann Santiago)