PINURI ng Department of Tourism ang ilan sa mga lokal na pamahalaan ng Eastern Visayas sa pagkakaroon ng mga programang pangturismo sa kani-kanilang local development plan.
Natuwa si Department of Tourism-Eastern Visayas Regional Director Karina Rosa Tiopes na napagtanto ng ilang lokal na pamahalaan ang kontribusyon ng turismo sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Gayunman, hindi madaling trabaho ang pagtutuon ng atensiyon sa turismo dahil kinakailangan nito ng sapat na pagpaplano para matiyak na maiaangkop ito sa kabuuan ng layunin ng mga lokal na pamahalaan.
“We asked them if what their priorities are, how can we and the stakeholders helped them and what are the help that they need from the Department of Tourism,” sabi ni Tiopes.
Ngunit para maging matagumpay ang programa ng lokal na turismo, dapat na maitaguyod ang rehiyon bilang kabuuan at hindi lamang bilang probinsiya, ayon sa opisyal.
Mayroong kakaibang destinasyon ang bawat isa sa anim na lalawigan sa rehiyon, tulad ng Biri Rock Formations sa Northern Samar, Calicoan Island sa Eastern Samar, Sohoton Cave sa Samar, Sambawan Island sa Biliran, mga diving site sa Southern Leyte, at Kalanggaman Island sa Leyte.
Ang pagsusulong sa turismo ng kabuuang rehiyon ay isa sa mga programa na nais maipatupad ni Leyte Governor Leopoldo Dominico Petilla ngayong taon.
Para maitaguyod ang pangkalahatan ng rehiyon, sinabi ni Petilla na magtatayo ang pamahalaang panlalawigan ng hub sa Government Center sa bayan ng Palo para sa matinding promotion sa lahat ng tourist destination sa rehiyon.
“Tourists will just check the place where they can go in the region and avail of the packages offered,” ani Petilla.
Ang kahandaan ng komunidad sa turismo at tumanggap ng development ay mahalagang aspeto rin sa pagpapasigla ng turismo, ayon sa gobernador.
“We may not be as popular like other places in the Philippines, but we wanted to make a statement that our services here are comparable to what they offer.” (PNA)