NANG bumoto ang mamamayan ng Great Britain sa isang referendum noong Hunyo 2016 upang lisanin ang European Union (EU), isa itong desisyon na gumulat sa mga opisyal ng bansa, sa pangunguna ni Prime Minister David Cameron.
Kumpiyansa niyang itinakda ang referendum, inaasahan ang malaking boto para manatili sa EU. Ngunit ang referendum ay nagresulta sa 52 porsiyentong boto pabor sa “Brexit” — o ang pag-exit ng Britain sa EU. Isa itong mahalagang pagpapasya.
Simula nang mapagtibay ang hindi inaasahang desisyon na iyon ng mga botanteng British upang lisanin ang European Union, para sa pagbabago sa mga umiiral na patakaran at paraan ng pagpapatupad sa mga ito, nagkaroon na ng mga kaparehong hakbangin na nagsusulong ng pagbabago sa iba pang panig ng mundo.
Sa United States, nanguna si Hillary Clinton sa halos lahat ng poll survey. Ngunit nang bilangin ang mga boto sa Electoral College system ng US presidential elections, si Donald Trump ang nahalal na bagong presidente, gayung wala siyang anumang karanasan sa paglilingkod sa gobyerno. Nakisakay lang siya sa daluyong ng pagbabago na hinahangad ng Amerika at ng pulitika nito.
Sa Europa, pinangangambahang pagkatapos ng Britain ay lima pang bansa ang titiwalag na rin sa European Union — ang France, Netherlands, Austria, Finland, at Hungary. Sinabi pa ni German Chancellor Angela Merkel na may mga kahilingan na rin para sa mga referendum sa Denmark, Italy, at Sweden.
Nitong Biyernes, sinabi ng isa sa pinakapopular na pinuno ng France, si Marine Le Pen ng far right, na sakaling mahalal siyang pangulo ng France sa Abril ay isusulong niya ang pag-alis din ng France sa EU. Umapela siya para sa mga talakayan tungkol sa panawagan ng France para sa pagbabalik sa mga intra-European border at sa kakayahan nitong magpatibay ng mga polisiyang nagkakaloob ng proteksiyon, at pagkatapos nito, aniya, ay ipupursige na niya ang “Frexit.”
Tayo rito sa Pilipinas ay may sarili ring isinusulong para sa pagbabago sa pagkakahalal kay Pangulong Duterte.
Nakikita na natin ngayon ang mga epekto ng mga pagbabagong ito sa mga layunin at pangasiwaan ng gobyerno. Tunay na kaisa tayo ng mundo sa paniniwalang kailangan na natin ang malaking subukan ang mga bagong paraan ng pagresolba sa mga dati nang problema at magkaloob ng mas maginhawang buhay para sa ating mamamayan at sa mga kapwa natin dito sa ating planeta.