HINDI ako manghuhula at wala akong talento hinggil dito, ngunit parang nararamdaman at nakikita kong magiging mas madugo ang taong 2017 dahil mukhang mas maraming bangkay ang titimbuwang at matatakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada sa buong bansa, kung ang pagbabatayan ay ang mga huling pahayag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte laban sa mga sindikato ng droga, na sunud-sunod namang umalingawngaw din sa opisina ng mga opisyales ng Philippine National Police (PNP).
Nakakatakot ang iniisip kong maaaring mangyari rito, partikular na sa Maynila, dahil ang pinakamalakas na pag-echo sa mga banta ni PRRD ay nanggaling na mismo sa bibig ng pinuno ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Dir. Oscar Albayalde, bago pa man bahagyang narinig ang mga tila pabulong naman na pahayag ng mga kumander ng PNP na nakatalaga sa iba pang rehiyon sa buong bansa.
Limang police district na binubuo naman ng 48 police station sa Metro Manila ang nasa ilalim ng command ni Dir.
Albayalde, kaya medyo kinakabahan ako sa maaaring maging resulta nang paghingi niya sa mga ito ng bagong listahan ng target personalities sa ilegal droga, kasabay ng kanyang panawagang may halong babala sa mga adik at pusher – “MAGSITIGIL NA KAYO!”
Ang medyo nakakakaba ay may nakaumang kasing balasahan sa liderato ng PNP na ang karamihan sa tatamaan ay mula sa mga Regional Director (RD) pababa sa mga Chief of Police (COP). May bulung-bulungan pa nga na makakasama rito ang puwesto ng RD, NCRPO at marami ang sinasabing nakaabang na sa puwestong ito.
Kaya ‘yung mga feeling hindi pa sila dapat maalis sa puwesto, dahil ‘di pa raw masyadong nag-iinit ang kanilang mga puwet sa pagkakaupo – siguradong magpapasiklab at magpapakitang-gilas. Resulta – mas agrisibong pagpapatupad ng OPLAN TOKHANG AT DOUBLE BARREL na nasisiguro kong magiging dahilan nang pagdanak ng dugo; maraming matutumba; maraming aabusong pulis na ang pinakabago nilang imbento ay ang TOKHANG FOR RANSOM. May mahigpit na pag-uutos nga pala si PDG Ronald “Bato” dela Rosa laban sa pakulong ito ng mga pulis— na walang patawad para sa kanila— kapag nahuling nangto-TOKHANG para makakuha ng RANSOM.
Marami ring mag-iiyakang... miyembro ng pamilyang biglang naulila. Dito naman papasok at mag-iingay nang todo ang mga kritiko ng administrasyong ito, at lalakas ang pagsigaw nang ‘di pagsang-ayon sa “extrajudicial killings” at madaragdagan ang mga magagalit—ngunit ‘di naman lahat magagalit, marami rin namang kasing matutuwa lalo na ‘yung mga nabiktima na ng krimeng gawa ng mga lulong sa droga at dakong huli, kung anong grupo ang makapangyayari – ‘yan ang isang malaking katanungan na dapat masagot.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)